MATAPOS mapatay ang halos 7,000 tao sa pinakawalang digmaan ng administrasyong Duterte laban sa ilegal na droga ay ngayon pa lamang opisyal na tumitindig at naglilinaw ng posisyon ang simbahang Katoliko Romano laban sa malaganap na karahasang ito.
Ang pahayag ay ipinalabas ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa isang Pastoral Letter na binasa sa mga simbahang Katoliko Romano nitong Sabado at kahapon. Anang simbahan, nakababahala ang malawakang pagdanak ng dugo at ang pagsasawalang kibo ng mamamayan at ang tila pagtanggap ng karamihan sa ganitong siste bilang ordinaryo nang kaayusan. Nakababahala rin daw na salat ang ebidensiya laban sa maraming napatay sa digmaang ito kaugnay sa kanilang pagkakasangkot umano sa kalakaran ng ilegal na droga.
Mayroon tuloy palagay ang ilan na ang ganitong obserbasyon ng simbahan ay malinaw na pagkatig sa isang ulat na ipinalabas kamakailan ng Amnesty International na nagpaparatang rin nang gayon laban sa mga nasa likod ng digmaan laban sa droga.
Tama nabahala ang simbahan dahil sa paglaganap ng kultura ng kamatayan. Gayon man ay may palagay ang Usaping Bayan na nakababahala rin ang pagiging huli ng simbahan sa pagtutol at pagkondena sa karahasang nagaganap.
Nakalulungkot na dahil sa mga kalansay sa baul ng ilang susing tao ng simbahan ay kailangang manimbang ang mga prinsipe nito kung sila, o ang kanilang interes, ay maaaring balikan sa kanilang gagawin na pagpapahayag nang pagtutol. Ito rin ang dahilan, sa palagay ng Usaping Bayan, kung bakit malamlam ang pahayag na ipinalabas ng CBCP.
Siguro ay marapat lamang na paalalahanan muli ang mga prinsipe na hindi nag-atubili si Hesus na piliin ang mahihirap, pinagkakaitan ng katarungan at inaaping maliliit bilang tagapagmana ng Kaharian ng Diyos (Matt. 5:3-5). Dahil dito, may kalansay man o wala sa baul, tungkulin ng mga prinsipe ng simbahan na militanteng tutulan ang lumalaganap na kultura ng dilim at kamatayan.
* * *
Hindi ko makuhang magsimpatya sa mga nagpoprotesta ngayon laban sa “visa ban” na ipinatutupad ng administrasyong Trump sa mga mamamayan ng Iran, Iraq, Libya, Syria, Yemen, Somalia at Afghanistan. Nagtataka ako bakit hindi sila kumikibo noong panahon na nilalabag ng administrasyong Obama ang karapatan na mabuhay ng mga mamamayan sa bansang ito sa pamamagitan ng walang habas na pambobomba sa kanila na ikinamatay ng marami.
Sa tingin ko napaka-selective ng kanilang pagpoprotesta at hindi talaga ‘yung karapatan ng mga tao ang kanilang inaalala kundi ang kanilang interes, dahil ayaw nila kay Pangulong Trump. Makasarili ang kanilang politika at ginagamit ang isyu ng sagradong karapatan ng tao.
* * *
Nahihirapan daw ang mga Amerikano at Intsik na basahin ang mga ikinikilos ni Pangulong Rodrigo dahil napaka “unpredictable” daw niya. Hindi raw nila alam kung ano talaga ang lagay nila pagdating sa pakikipag-ugnayan ng kanilang bansa sa atin. Para sa karagdagang detalye ay pasyalan ninyo ang e-news website na www.beyonddeadlines.com
Ang website na ito ay naglalaman ng malalalim na talakayan kaugnay sa mga pangyayari sa ating bayan at iba pang mahalagang impormasyon para sa pang-araw-araw nating buhay. Sana ay makaugalian din ninyo na bisitahin ang website na ito.
Pakikalat ang balita tungkol sa www.beyonddeadlines.com
Salamat po.
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa hot spring ay maaari kayong pumunta sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subdivision, Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City. Malapit lamang sa Metro Manila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Magpadala nang mensahe sa www.facebook.com/privatehotspringresort para sa karagdagang impormasyon o reserbasyon.
USAPING BAYAN ni REV. NELSON FLORES, Ll.B., MSCK