NAHIHIWAGAAN sina Senador Panfilo Lacson at Senadora Leila De Lima, dahil walang naitalang vigilante killings, at walang napatay ng riding-in-tandem sa buong magdamag, makaraan tanggalin ni Philippine National Police (PNP) chief, Director General Ronald “Bato” Dela Rosa ang “Oplan Tokhang” at buwagin ang anti-illegal drugs group sa PNP.
Nagulat si Lacson nang tanungin ng mga mamamahayag sa Senado kung ano ang reaksiyon niya dahil zero killings sa magdamag, makaraan ang pagpapatigil sa Oplan Tokhang.
Kinuwestiyon ni Lacson kung bakit kung kailan natigil ang Oplan Tokhang, natigil din ang vigilante killings.
Natawa pa si Lacson dahil tila magpapaliwanag ngayon ang PNP, kung bakit walang napatay sa magdamag, na dati-rati ay nagpapaliwanag ang PNP dahil sa rami ng mga namamatay sa magdamag na sangkot sa illegal drugs, at marami ang napapatay ng mga vigilante group.
Habang sa panig ni Senadora De Lima, sinabi niyang kung totoo na walang namatay sa loob ng 24 oras, makaraan ipatigil ng PNP Chief ang Oplan Tokhang, isa aniya itong malakas na katibayan na iisa lamang ang gumagawa ng patayan gabi-gabi sa mga sangkot sa illegal drugs.
(CYNTHIA MARTIN)