Condom sa paaralan ‘di papayagan ng DepEd!
Jerry Yap
February 1, 2017
Opinion
HUWAG natin payagan na maging instrumento ang ating mga kabataan ng eksperimento ng komersiyalismo habang ginagamit at kinakaldkad ang mga isyu na kinasasangkutan ng moralidad.
In short, hindi puwede ‘yung thinking ng Department of Health (DOH) na kapag may condom, walang HIV/AIDS… kahit multi-partners ang praktis ng sex.
Kaya may magulang at matatanda para mayroong magpaalala at magtuturo sa mga kabataan na ang sex ay hindi isang simpleng grown-up experience.
Alalahanin sana na ang pagsasanib ng mga katawan ay bahagi ng sagradong pagsasama ng dalawang tao. Hindi puwedeng kapag nakaramdam ng libido mangangalabit ng kahit sino para iraos ang init ng katawan.
Hindi puwedeng gagamiting praktisan ang isang babae o lalaki at idadambana o ihaharap sa altar ang isa pa.
Bakit hindi ipatimo sa isipan ng mga mag-aaral na ang pagsasanib ng katawan ng dalawang tao o sex ay hindi pa dapat gawin ng mga kabataan lalo ng mga nag-aaral pa lamang.
Ang pamimigay ng condom ay katumbas ng panghighikayat sa mga kabataan na makipag-sex. Dahil simbolo ito ng malayang kaisipan na puwedeng makipag-sex kahit kanino, kahit anong oras, kahit anong kasarian, kasi may condom na at ligtas na.
Mabuti na lamang at hindi ito pinayagan ng Department of Education (DepEd).
Mismong si Education Secretary Leonor Briones ay tutol sa pamamahagi ng condoms ng DOH sa senior high school students.
Inabisohan niya si Health Secretary Paulyn Jean Ubial hinggil sa kanilang pagtutol sa nasabing hakbangin.
Ayon kay Briones, hindi maaaring suportahan ng DepEd ang pamamahagi ng DoH ng contraceptives, na naglalayong pigilan ang pagtaas ng bilang ng HIV cases at AIDS sa mga kabataan.
Bago magpahayag ng posisyon si Secretary Briones, inatasan niya ang kanilang legal team na magbusisi sa ruling ng Korte Suprema kaugnay sa Reproductive Health Law, at executive order ni Pangulong Rodrigo Duterte sa RH programs.
At matapos ang mahabang pag-aaral, kailangan umano ng consent ng magulang sa isyung ito, paliwanag ng kalihim.
Sana ay magkaroon ng unified stand ang mga paaralan sa isyung ito ng condom.
Isang malakas na boses ‘yan!
By the way, bakit ba sa dami ng mga tumututol sa pamamahagi ng condom sa mga paaralan at sa mga kabataan, ay naggugumiit pa rin ang DOH sa proyektong ito?!
Magkano ‘este ano ba talaga ang nasa likod ng condom na ‘yan?!
PNP ANTI-ILLEGAL DRUGS
UNITS BINUWAG NA
Binuwag (pansamantala raw?) na ang buong yunit ng anti-illegal drugs unit ng Philippine National Police (PNP).
Ang operasyon laban sa ilegal na droga ay ipinauubaya ng Pangulo sa National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Kasunod nito, lilinisin umano ang hanay ng pulisya, hindi lamang sa isyu ng ilegal na droga gayondin sa lahat ng uri ng katiwalian at maglulunsad din ng lifetsyle check.
Inamin na rin mismo ni PNP chief, Director General Ronald “Bato” dela Rosa na 48,000 o 40 porsiyento ng pulisya ay sangkot sa iba’t ibang uri ng katiwalian. Dahil dito, nagmungkahing buuin ang counter-intelligence task force bilang unang hakbang sa paglilinis ng pulisya.
Nakikita naman natin ang effort ni DG Bato na linisin ang hanay ng PNP.
Sana sa pagkakataong ito, maging maingat siya nang husto kung sino ang ilalagay niyang tao sa counter-intelligence task force.
Alam din natin na mayroong mga lihim na natutuwa sa nangyayari ngayon sa PNP. Kaya kung mabibigo ang gaya nina Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte at DG Bato sa paglilinis ng PNP, sino pa kaya ang aasahan nating gagawa nito sa mga susunod na panahon?!
Kung ibinoto ng 16 milyong Filipino si Pangulong Digong, sana man lang, kahit ‘yung 10 milyong Filipino ay tulungan si DG Bato na linisin ang PNP.
‘Yun lang po.
SENADOR DICK
GORDON BUKAS
SA KAPIHAN
SA MANILA BAY
Halina’t makisalo sa almusal kasama si Senator Dick Gordon sa Cafe Adriatico, Malate, Maynila, bukas, araw ng Miyekoles, 2 Pebrero.
Ang Kapihan sa Manila Bay ay weekly breakfast forum na iniho-host ni Ms. Marichu Villanueva ng Philippine Star.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap