DAPAT nang isailalim sa lifestyle check ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP).
Inihayag ito ni Senadora Grace Poe, nang malantad na maraming tiwaling pulis ang kwestiyonable ang mga ari-arian partikular si SPO3 Sta. Isabel, sangkot sa tokhang for ransom ng Korean trader na si Jee Ick Joo
Binigyang diin ni Poe, sa nakaraang pagdinig sa Senado, sinabi ni Bato, kanya nang sisimulan ang pagsisiyasat sa statement of assets and liabilities and Networrth (SALN) ng mga pulis.
Ayon sa senadora, tiyak na maraming hindi magdedeklara ng kanilang SALN kaya’t dapat sabayan ito nang agarang lifestyle check sa mga miyembro ng PNP.
Sinabi pa ng senadora, may listahan ang PNP chief ng sinasabing tiwaling mga pulis kaya’t dapat dito simulan ang pagsasagawa ng lifestyle check upang malaman ang mga tagong yaman na kinita sa ilegal na aktibidad gamit ang kanilang kapangyarihan. Habang naniniwala si Poe, dapat bigyan pa ng pagkakataon si Bato na gawan nang agarang solusyon ang problema at magpatupad ng reporma sa PNP laban sa mga tiwaling pulis na nakasisira sa kanilang hanay.
Aniya, dapat ipakita ni Bato na ang mga pulis na sangkot sa katiwalian ay dapat agad tanggalin sa serbisyo at harapin ang kasong kriminal.
(CYNTHIA MARTIN)