SUPORTADO ni Senador Panfilo Lacson ang muling pag-iimbestiga ni Pangulong Rodrigo Duterte sa tinaguriang Mamasapano tragedy na ikinamatay ng 44 miyembro ng PNP-SAF, sinasabing brutal na pinatay ng grupo ng BIFF, MILF at private army.
Sinabi ni Lacson, kung ang pananaw ni Pangulong Duterte na marami pang dapat na malaman sa likod ng trahedya, karapatan niyang muling buksan ang pagdinig na gagawin mismo ng ehekutibo.
Magugunitang sinabi ng Pangulo, magbubuo siya ng fact finding commission na mag-iimbestiga sa nasabing kaso.
Aminado si Lacson na marami pang dapat malaman sa pangyayari kung bakit nauwi sa madugong insidente ang operasyon ng mga awtoridad na tinaguriang “Oplan Exodus.”
Maging si Senate President Aquilino Koko Pimentel III ay nagpahayag ng suporta sa hakbang ng pangulo.
Sinabi ni Pimentel, handa ang Senado na tumulong sa imbestigasyon ng ehekutibo.
(CYNTHIA MARTIN)