UMAABOT sa P13.9 bilyon ang utang ng negosyanteng si Jack Lam sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Sa pagdinig ng Senado kaugnay ng bribery scandal sa Bureau of Immigration (BI), sinabi ni PAGCOR associate vice president Arnel Ignacio, aabot lamang sa isang porsiyento ang inire-remit ni Lam sa kanyang kita sa junket operations.
Ngunit hindi niya matantiya ang eksaktong figures ng kinikita ni Lam.
Depensa ni Ignacio, hindi kasi nila namo-monitor ang kita ng Macau-based businessman sa kanyang illegal online gambling operations dahil hindi ito rehistrado ng PAGCOR.
“He has licenses with PAGCOR for casino operations, junket operations and phone betting. Ang wala po siya ‘yung online,” ani Ignacio.
Una rito, sa pagtatanong ni Senator Sherwin Gatchalian, iginiit ng senador na dapat ay magkaroon si Ignacio at ang PAGCOR ng figures sa kita ni Lam.
Ngunit tumanggi si Ignacio na magbigay ng figures at nangakong ibibigay ang hinihiling ng senador kapag na-verify na nila ang kanilang records.
(CYNTHIA MARTIN)
800 CHINESE SA FONTANA
NAKATAKAS — AGUIRRE
INIHAYAG ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II sa pagdinig ng Senado kaugnay sa bribery scandal sa Bureau of Immigration (BI), 800 Chinese nationals ang nakatakas makaraan ang raid na isinagawa ng mga awtoridad sa Fontana resort sa Clark, Pampanga noong 24 ng Nobyembre, 2016.
Ayon kay Aguirre, noong 25-26 Nobyembre ay nagsimula nang tumakas ang Chinese workers na walang kaukulang dokumentong nagtatrabaho sa kompanya ng negosyanteng si Jack Lam.
Sa report na nakarating sa justice chief, nakabalik na sa China ang ibang Chinese nationals noon pang Nobyembre.
Una rito, nakita ang Chinese nationals na lumipat sa hotels sa Clark, Pampanga pagkatapos ng raid sa Fontana.
“Mga 800 ang nakatakas. Punong-puno ang mga coffee shop, McDonald’s, mga hotel sa Clark, hindi na napigilan. ‘Yung unang hours ng raid marami nang nakatakas,” ani Aguirre.
Samantala, ibinunyag din ni Aguirre na pinipilit siya ni retired police officer Wally Sombero na kuning protektor ng negosyanteng si Jack Lam.
Sinabi ni Aguirre, pagkatapos ng kanilang meeting sa isang hotel ay sinundan pa siya palabas ni Sombero hanggang makarating siya sa elevator para hilingin na protektahan ang negosyo ng Macau-based businessman na illegal online gambling.
Ayon kay Aguirre, paulit-ulit na sinasabi ni Sombero hanggang sa naghiwalay sila na kailangan ni Jack Lam ng ‘ninong’ o protektor para sa kanyang negosyo sa Fontana Leisure Parks and Casino.