Konseho ng Maynila nagkakagulo sa P14-Bilyong budget?
Jerry Yap
January 24, 2017
Opinion
MAY kasabihan ang mga tuso at tiwaling lider, para madaling mapamunuan ang isang grupo kailangan ang divide and rule tactics.
Pero sana naman ay hindi ganito ang rason ng asuntong inihain ni Manila Vice Mayor Maria Shiela “Honey” Lacuna-Pangan laban sa grupo ni majority floor leader Councilor Casimiro Sison kasama ang 17 konsehal ng Maynila.
Naghain ng petisyon si VM Honey para pigilan ang implementasyon ng P14-billion city budget para sa 2017 matapos matuklasan na binawasan ang budget ng kanyang tanggapan.
Pak! Ganern!?
Pero hindi pinaboran ni Judge Armando Yanga ng Manila Regional Trial Court Branch 173 ang petisyon para sa temporary restraining order (TRO) dahil lack of merit umano.
Arayku!!
Ayon kay Lacuna mayroong “unauthorized moves” na ginagawa ang ‘ilang tao’ partikular ang committee on appropriations.
Ang budget umano ng ibang departments kabilang ang Office of the Vice Mayor, City Administrator’s Office at ang Sanggunian, ay hindi naisalang sa pagdinig, ayon sa bise alkalde.
Kaya naman nagulat siya nang makita niyang ang kanyang tanggapan ay ‘tinabasan’ ng P360 million na nakalaan sa job orders, contractual employees, office supplies at donations.
Aba, kaya pala pumiyok ‘e natapyasan pala ang kanyang budget!?
Malaking gulo nga ‘yan!
Sabi nga ng matatanda, huwag pakikialaman ang kusina ng may kusina kung ayaw ninyong magkagulo.
Isa pa, hindi ba’t si VM Lacuna-Pangan ang presiding officer ng council?!
Ano ang naging dahilan at parang sinuwag si VM Honey ng kanyang mga konsuhol ‘este’ konsehal?!
Talagang bang pagdating sa usapin ng kuwarta ‘e may nagkakabati at may nag-aaway?
Mukhang nakaaamoy tayo nang malansa at maagang pamomolitika sa Konseho ng Maynila.
Kanino mapupunta ang tinapyas na budget ni VM Honey? Sa majority floor leader?! Sino kaya ang nag-utos na tapyasan?
Arayku!
Anyway, sana ma-realize ng Konseho na habang nagkakagulo sila, mayroong mga tao o grupo na natutuwa.
Ano ang silbi ng isang nagkakagulong Konseho? Wala.
Baka ‘yan pa ang maging mitsa ng pagkatalo nila sa susunod na eleksiyon dahil wala silang ginawa kundi magbangayan sa kaban ng Maynila kaysa magserbisyo sa mamamayan.
Pakiusap lang sa Konseho ng Maynila, huwag kayong maging uto-uto!
IACAT ‘PAPOGI’
AT THE EXPENSE OF BI?
(ATTENTION: SoJ
VITALIANO AGUIRRE)
Isang issue ang gusto nating idulog kay DOJ Secretary Vitaliano Aguirre tungkol sa “style bulok” umano ng ilang miyembro ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) diyan sa Region 6 partikular sa bayan ng Kalibo, Aklan.
Palibhasa raw ay patay-gutom sa accomplishment, nagawa raw na i-scenario ang dalawang Immigration Officers (IO) ng Kalibo International Airport.
Nitong nakaraang linggo ay tahasang inaresto ang dalawang babaeng immigration officers at isinangkot pa sa kasong human trafficking.
Matapos gumamit ng “coached asset” sinadya raw ng IACAT-Kalibo na ipaturo sa kanilang asset kuno ang dalawang kaawa-awang IOs na wala naman kinalaman sa alegasyon na nag-facilitate ng pasahero papuntang Lebanon.
Ayon sa ating natanggap na impormasyon, nag-importa raw ng isang pasahero ang mga taga-IACAT at pilit na ipinatuturo ang dalawang IO na dinaanan ng ilang pasahero papunta sa nabanggit na lugar.
Owws! Talaga lang ha?!
Depensa ng mga pinaratangang IOs, pati ng ilang opisyales ng BI-Kalibo International Airport, nagpanggap daw na turista papuntang Malaysia ang pasahero at wala naman silang ideya sa sinasabi na siya ay patungong Lebanon.
May ipinakita rin daw na valid passport at return ticket ang pasahero na basehan para sa pagiging turista.
Dumaraan daw sa tamang proseso ng primary inspection ang lahat ng mga naging pasaherong Pinoy at kung sila ay may pagdududa, sasalang naman sila sa secondary inspection bilang bahagi ng proseso.
Noong dumaan daw ang pasahero sa kanila ay nagpakita ng sapat na dokumento para payagan sa kanyang biyahe papuntang Malaysia.
Laking gulat na lang nila na biglang dumating ang mga taga-IACAT at sinabing nire-rescue nila ang mga nasabing pasahero na biglang nagngangawa at sinabing kasabwat daw niya ang nag-clear sa kanyang immigration officer.
Wattafak?!
Sonabagan!
Hustisya ba talaga ang hanap nito o areglo?!
Maliwanag pa raw sa sikat ng araw na “dramarama” o set-up ang ginawang trabaho ng mga taga-IACAT at ang kanilang layunin ay magpapogi at the expense of BI-KIA!?
Noon pa man ay marami na tayong natatanggap na reports sa ganitong uri ng ‘modus’ ng ilang law enforcers diyan sa Region 6 at sa iba pang airport!
Bakit napagtutuunan nila ng pansin ang ilang immigration officers para gamitin sa kanilang pagpapapogi?
Totoo ba ang report na may kasabwat pa raw na isang fix-cal ‘este piskal sa kanilang style bulok na diskarte?
Madalas umanong makita na kainuman at katambayan ng mga taga-IACAT ang nasabing piskal?!
Secretary Aguirre, Sir, tamang hustisya lang po ang ating hiling para sa dalawang Immigration Officers…
Salamat po!
MIAA GM ED MONREAL
SA KAPIHAN SA MANILA BAY
Sa mga nais makapanayam si Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Ed Monreal, inaayayahan namin kayo bukas sa Kapihan sa Manila Bay media forum sa Café Adriatico, Malate, Manila sa isang breakfast forum.
Tayo na’t mag-almusal, makipaghuntahan kay MIAA GM Ed Monreal at alamin ang kanyang mga bagong programa at proyekto para sa NAIA.
Ang Kapihan sa Manila Bay ay pinadadaloy ng host na si Ms. Marichu Villanueva ng Philippine Star.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap