Media na naman ang nasisisi (Kasi, kasi, kasi…)
Jerry Yap
January 20, 2017
Opinion
UMALMA na ang mga katoto natin sa Malacañang Press Corps (MPC).
Kasi heto, sinisisi na naman sila ng Palasyo dahil umano sa maling pagbabalita sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa martial law.
Kung dati ay simpleng paliwanag lang ang ginagawa ng mga taga-media tuwing napagbibintangan sila, hindi na ngayon.
Katunayan naglabas na ng opisyal na pahayag ang Malacañang Press Corps kaugnay sa bintang na ‘misreporting.’
Inilinaw ng MPC na ganito ang eksaktong sinabi ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa kanyang speech sa Davao, “You know I have to protect the Filipino people. It’s my duty. I tell you now, if I have to declare Martial Law, I will declare it. Not about invasion, insurrection, not about danger. I will declare Martial Law to preserve my nation, period.”
Sa pahayag ng MPC, sinabi ng mga mamamahayag na nagko-cover sa Malacañang na, “Nakababahala ang pagkahilig ng mga opisyal ng administrasyong Duterte na sisihin ang media tuwing may kontrobersiyal na pahayag ang Pangulo.”
Anila, dapat nang matigil ang ganitong bisyo dahil walang maiaambag sa pagtaas ng antas ng diskurso sa publiko.
Isa pa, sinabi ng MPC na walang obligasyon ang mga mamamahayag na maging kasiya-siya ang isinulat nila sa source ng balita dahil ang katapatan ng mamamahayag ay sa mamamayan, ang mga maaapektohan ng mga aksiyon ng mga tao na mas makapangyarihan sa kanila.
Sabi nga ng MPC kay Presidential Communication Sec. Martin Paandar ‘este’ Andanar, basahin niya ang kabuuan ng mga nailathala, naiereng balita, hindi lang ang mga titulo nito upang mas maunawaan ang coverage ng media sa Pangulo.
Aba kung hindi nga naman matitigil ang ganito, parang bisyo na talaga ang pagkahilig ng mga opisyal ng administrasyong Duterte na sisihin lagi ang media tuwing may kontrobersiyal na pahayag ang Pangulo.
“We are disturbed by the propensity of the officials of this administration to blame the media whenever the inflammatory statements of the president stir controversy or draw flak. This trend should stop as it would not contribute to the elevation of the level of public discourse.”
Sana naman ay walang ibang ibig sabihin ang mga bintang na gaya nito.
Sabi nga ng MPC, umaasa sila na ang naturang pag-uugali ay hindi pagtatangka upang siraan ang media, na gumaganap ng mahalagang papel upang mapanatiling masigla ang demo-krasya at tiyakin na ang mga nasa kapangyarihan ay wasto ang ginagawa.
Korek po ang MPC diyan!
Now, Sec. Andanar, kailangan pa bang i-memorize ‘yan?!
Palagay natin ‘e kailangan mo ng once a week na pakiki-mingle sa Malacañang Press Corps para naman makabisado nila ang lengguwahe ninyo sa Palasyo.
Ano sa tingin ninyo, Secretary Andanar?
“TOKHANG FOR RANSOM”
IIMBESTIGAHAN NI SEN. PING
Nagpatawag na ng imbestigasyon ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Senator Panfilo “Ping” Lacson kaugnay ng tinatawag na “Tokhang for Ransom.”
Kung hindi tayo nagkakamali, minsan na nating naikolum ang nangyari sa isang legitimate na negosyanteng Tsinoy na kakilala pa ni Sen. Ping sa Valenzuela City, na pinasok ng mga nagpakilalang pulis sa kanyang opisina.
Mabuti na lang at nakita agad ng businessman sa kanyang CCTV ang pagpasok ng mga armadong lalaki. Agad niyang hinubad ang kanyang mga alahas kaya nang dalhin siya sa Camp Crame, e walang naeskoba sa kanya.
Sa madali’t sabi, sa panghihimasok ni Sen. Ping ay hindi nabiktima ng “Tokhang for Ransom” ang nasabing negosyante.
Pero hindi ganoon ang nangyari sa pinakahuling biktima na isang Korean national.
Mantakin ninyong pagkakuha sa Koreano noong umaga, kinagabihan ‘e dinala na sa isang punerarya sa Caloocan City ang kanyang bangkay at na-cremate agad.
Wattafak?!
Mukhang kailangan talagang imbestigahan ‘yang unti-unting lumulutang na “Tokhang for Ransom.”
Suportado ka namin diyan, Senator Lacson.
Kailangang mabunyag ang mga awtoridad na ginagamit, sinasabotahe at sinasamantala ang “drug on war” ng Pangulo.
Aabangan namin ‘yan!
PEDICAB SA KANTO
NG UN AVE AT TAFT AVE
NAGHAMBALANG SA KALYE
SIR Jerry, kahapon ay muntik masagasaan ang isang babae riyan sa kanto ng UN at Taft Ave., aba imbes mag-sorry doon sa biktima, maangas pa ‘yung pedicab driver. Alam naman nating naghahanapbuhay sila, pero puwede bang huwag silang nakaharang sa kalye? Ano po ba ang ginagawa ng mga traffic police o MTPB bakit hinahayaan nilang nakaharang sa kalye ang mga pedicab na ‘yan sa UN at Taft Avenue?!
+63917890 – – – –
“DELIHENSIYA UNIT”
TAHIMIK NGUNIT
MAPANGANIB
KA Jerry, di n’yo ho ba napansin tahimik ang MPD delihensiya unit ni kupitan kc puro parating at kolektong ang lakad. Masuwerte lang ang driver ni kupitan at nakatakas sa tokhang ng pulis nakaraang linggo. Dapat mag-ingat si DD Coronel dto ky kupitan na tahimik pero matalim sa pitsaan.
+63905599 – – – –
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap