ARMM huwag gawing basurahan ng scalawags
Jerry Yap
January 19, 2017
Opinion
ITO ang pakiusap ng pinakamataas na opisyal ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) kaugnay ng pagpapatapon ng mga scalawag na pulis sa kanilang rehiyon.
Ayon kay ARMM Gov. Mujiv Hataman, ang kanilang rehiyon ay nahaharap sa mabibigat na isyu at krimen gaya ng kahirapan, kagutuman, droga at terorismo, kaya mas kinakailangan nila ang matitino at mga dedikadong pulis.
Hindi mga pusakal na pulis na kapag pinarurusahan ay ipinatatapon sa kanilang rehiyon.
Bakit nga ba ang ARMM o ang Mindanao ay pinagtatapunan ng mga scalawag na pulis?
Naging kalakaran at bukambibig na nga, “Ipadala ‘yan sa Mindanao!”
Para bang ang pagtingin sa rehiyon ay isang malaking ‘dumpsite’ ng mga pulis o government officials na walang matinong ginagawa sa kanilang panunungkulan kundi ang patabain ang kanilang mga bulsa o maghasik ng mga ilegal na gawain sa bawat komunidad.
Kung talagang gustong i-destiero ang mga scalawag, bakit hindi sa iba pang rehiyon o lalawigan gaya sa Batanes, mga kapuluan ng Palawan na malayo sa kabihasnan, sa mga komunidad ng ating katutubo na nangangailangan ng pangangalaga at proteksiyon ng pulis, sa mga lalawigan na malakas ang insurhensiya gaya sa Samar, Leyte, Region 6 at sa Caraga region?!
Bakit nga naman laging sa ARMM lang?
Sa lalawigan ng Rizal, mayroong drug-infested, taguan ng mga carnapper at mayroon ding area na may insurhensiya.
‘Yung 195 uniformed and non-uniformed personnel ng Philippine National Police (PNP) na sinasabing positibo sa drug test, dapat ‘yan hati-hatiin sa malalayong destinasyon, huwag lahat itambak sa ARMM.
Tama si Gov. Hataman, happy, morally uplifted, dedicated, at matatalinong PNP personnel ang kailangan nila para maging inspirasyon sa kanilang mga mamayan.
Hindi iyong, malungkot na nga ang mga tao sa ARMM, magpapadala pa ng mga PNP personnel na may kaso, mababa ang moral at may problema sa pamilya.
Aba ‘e ano nga naman ang gagawin nila roon?
‘E ‘di ang mapagdidiskitahan ng mga problematic at scalawag na ‘yan ‘e ‘yung mga mamamayan na naghihirap at walang trabaho kaya madaling narerekrut ng mga terorista.
PNP chief, General Richard “Bato” dela Rosa Sir, baka kailangan po nating mag-isip ng ibang porma ng parusa?
Bawasan ang pagpapadala ng mga problematic o scalawag na pulis sa ARMM.
Bakit hindi ang PNP o ARMM ang magbuo ng citizen’s auxiliary group laban sa terorismo? Nang sa gayon ‘e hindi sila marekrut ng iba’t ibang klaseng terrorist groups.
Let’s mobilize our citizenry para sila ay maging kapaki-pakinabang na mamamayan ng kanilang rehiyon gaya sa ARMM.
Bakit hindi ipraktis ang estratehiya at taktikang “winning the heart and mind of the people” tungo sa isang mapayapa at maunlad na rehiyon at ng bansa sa kabuuan.
Unsolicited advice lang po, Gen. Bato!
PAANO NA SILANG
UMAASA SA 5-6?
Nitong nakaraang linggo ay lumabas ang isang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa “warrantless arrest” na ipapataw sa mga “illegal lenders” o ‘yung mga nagpapautang na 5-6 ang trato. Ito ‘yung may tubo na umaabot sa 20 porsiyento kada buwan.
Unang pumasok sa isip ng lahat na ang tatamaan ay mga “Bombay” na siya umanong kilala pagdating sa raket na ito.
Hindi naman kaila sa lahat, sa larangan ng pagpapautang ang naging pangunahing kabuhayan ng halos lahat ng mga Bombay sa Filipinas.
Actually, mixed reactions and feedbacks ang ating natanggap matapos tayong magtanong sa mga kilalang eksperto.
May ilang natutuwa pero nakapagtataka na mas marami ang nadedesmaya.
Apektado raw kasi, numero uno ang maliliit nating kababayan na dito lang umaasa sa madaling pagpapautang ng mga Bombay, na hindi na kinakailangan ng alinmang dokumento o kolateral para sila ay mapahiram ng kapital.
“Savior” ang mga Bombay para sa kanila!
Dangan nga kasi, bago makahiram sa malalaking kapitalista gaya ng banko o iba pang malalaking lending companies ay kinakailangan pang mag-provide ng ITR, business permits, co-maker at iba pang kaek-ek-an bago bigyan ng kinakailangang puhunan.
Ano nga namang klaseng dokumento ang ilalabas ng mga tindera ng karne, isda, gulay at prutas, sa talipapa pagdating sa mga bagay na ito?
Ayon din sa ilang kababayan natin na suki ng mga Bombay, lumalabas lang na limang porsiyento kada buwan ang tubo sa kanila dahil umaabot pala ng 100 days ang taning sa kanila ng kanilang pinagkakautangan.
I’m not against the directive and vision of our President na protektahan ang ilan nating kababayan partikular ang mga nalulubog sa utang.
Alam naman natin na concern siya sa kinabukasan ng maliliit na negosyante. Pero hangga’t hindi nasosolusyonan ang madaliang pagbibigay ng pondo para sa mga kapos-palad, hindi ikatutuwa ng mga maralita ang ganitong klaseng balita!
Sana naman ay magkaroon agad ng ibang alternatibong mabilis ang gobyerno para sa maralita nating kababayan na ngangailangan ng puhunan sa negosyo.
Goodbye 5-6 na ba talaga?
Sana ay makita rin ni DOJ Secretary ang magiging outcome nito bago siya magdesisyon na ipaaresto lahat ng Bombay na nagpapa-5-6 sa Filipinas!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap