IPINAGTANGGOL ni Senate President Pro-tempore Franklin Drilon ang mga mamamahayag sa naging akusasyon ng Presidential Communication team ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa sinasabing “misreporting” ng media sa isyu ng martial law.
Iginiit ni Drilon, tama ang naging report ng mga mamamahayag sa naging mga pahayag ng pangulo kaugnay sa pagdedeklara ng martial law.
Sinabi ni Drilon, ang mga news report ay base sa mga naging pahayag ng pangulo.
Aniya, hindi dapat sisihin ng Palasyo ang mga mamamahayag sa pagkakasulat o pagbabalita na ibinase sa pahayag ni Pangulong Duterte.
Kasabay nito, pinayohan ni Drilon ang Malacañang na dapat mag-ingat sa pagbibitaw ng mga salita sa publiko na magdudulot ng pangamba sa taumbayan partikular sa ipinaiiral na demokrasya sa bansa.
Aniya hindi maitatago ang lumabas sa survey report ng Pulse Asia na 74 porsiyento ng mamamayang Filipino ang ayaw sa pag-dedeklara ng martial law kaya’t dapat iwasan ang ano mang pahayag na magdudulot ng pangamba sa publiko.
(CYNTIA MARTIN)