Kolorum na online casino sa PEZA accredited buildings ipinabubusisi ni Pang. Digong
Jerry Yap
January 17, 2017
Opinion
SA WAKAS mayroong isang Pangulo ng bansa na nasilip ang mga mapanlansi at mandarayang online casino na namamayagpag sa mga accredited buildings ng Philippine Economic Zone Activity (PEZA).
Sabi nga ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte walang napapala ang gobyerno sa operasyon ng online gambling sa bansa dahil ang isinusugal na pera ay sa ibang bansa napupunta at hindi sa Filipinas.
Korek ‘yan, 100 percent tama si President Duterte!
Isang halimbawa rito ang mga online casino sa Solaire at sa Midas hotel.
Ang online casino riyan, ang tayaan ay sa China.
Sa pamamagitan ng isang online camera na nakatutok sa mga baccarat table, nakatataya ang mga Chinese player sa pamamagitan ng tinatawag na gunner na isang China girl na naka-headphone at siyang tumataya at pumipinta ng baraha.
Ibig sabihin, ‘yung itinataya nila ay doon napupunta sa China at hindi rito sa bansa natin.
Kahit isang saglit, hindi iikot sa ekonomiya natin ang kuwarta nila. Hindi rin naman sila masisingil ng buwis dahil nasa China nga ‘yung casino.
Ang kuwestiyon, legal ba ‘yan, alinsunod sa umiiral na batas sa ating bansa?!
Ang sabi ni PEZA Director-General Charito Plaza, palalayasin nila sa mga gusali na klasipikado bilang “vertical economic zone” ang mga business process outsourcing (BPO) companies na sangkot sa online gambling dahil hindi kasama sa mandato ng PEZA ang operasyon ng online gambling.
Ibig sabihin, ‘yung building lang ang accredited at hindi ang operasyon ng online casino.
Batay sa umiiral na batas, tanging ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) lang ang may kapangyarihan na magbigay ng prangkisa sa online gambling.
Isa sa nabuko nilang lumabag sa nasabing patakaran ang mga Yuchengco o may-ari ng RCBC Tower sa Makati City na klasipikado bilang vertical economic zone ng PEZA pera nagpaupa sa kanilang gusali ng kompanya na sangkot sa online casino na ang permit ay mula sa Cagayan Economic Zone Authority (CEZA).
Halimabawa, sa Makati pinayagan ‘yung locator ng CEZA sa accredited building ng PEZA, kaya nasa RCBC ang BPOs, vertical eco zone, tapos naglagay sila ng online gambling.
Binigyan nila ng interpretasyon na ang CEZA ay under PEZA, so nag-rent umano ang locator ng CEZA sa PEZA accredited building pero ang operation, online gambling pala.
Kung naaalala pa ninyo mga suki, noong Setyembre 2015, sinalakay ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) at Criminal Investigation and detection Group (CIDG) ang Xing Qi Ba online casino na pagmamay-ari ni Kim Wong sa RCBC Bldg., sa Ayala at Buendia avenues sa Makati City.
Pumutok din noon ang koneksiyon ni Kim Wong at ng RCBC sa kontrobersiyal na $81-M money laundering case o ang ilegal na paglilipat sa account ng anim na Filipino sa RCBC Jupiter branch mula sa Bangladesh Bank na idedeposito sana sa Federal Reserve Bank sa New York noong Pebrero 2016.
Sa imbestigasyon sa Senado, itinuro ni RCBC bank manager Maya Deguito si online gambling operator Kim Wong na nakabase sa CEZA bilang utak ng nasabing krimen.
Si Wong ay may-ari ng Eastern Hawaii Casino na nag-o-operate sa CEZA at kilalang nasa likod din ng malalaking gambling operations sa bansa.
Isang example lang po ‘yan.
Nakalusot pa rin diyan si Kim Wong dahil isinauli niya ‘yung pumasok na pera mula sa Bangladesh, ang nadiin ‘yung pobreng Deguito.
Tsk tsk tsk…
Ngayong mayroon nang direktiba ang Pangulo na busisiin ‘yang mga colorum na online casino na nagkakanlong sa PEZA accredited building, matuldukan na kaya ang pamamayagpag ng mga online casino?!
Ano sa palagay ninyo Madam Chair Andrea “Didi” Domingo ng PAGCOR?!
TRAFFIC SA PARAÑAQUE CITY
LUMUWAG NA RIN SA WAKAS
Kamakailan, malugod na ibinalita ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez na malaki na ang improvement ng daloy ng mga sasakyan sa lungsod lalo nang buksan ang mga pangunahing kalsada.
Nabawasan ang traffic jam at nabawasan ang oras ng pagbibiyahe.
‘Yan ay simula nang buksan ang Sucat Avenue at Doña Soledad Avenue.
Binuksan na rin ang C-5 Road patungong West ServiceRoad na tatagos sa Kalayaan patungong Merville hanggang sa Villamor.
Isa po tayo sa mga nakakaranas ng kaluwagan ngayon ng trapiko sa Sucat Avenue, dahil bukod sa pagbubukas ng mga pangunahing kalsada, full implementation na rin ang number coding at truck ban.
Kung dati ay inaabot tayo nang halos dalawang oras, aba, baka magulat kayo dahil halos 50 porsiyento ang ibinilis ng biyahe.
Kaya naman marami ang nagpapasalamat kay Mayor dahil positibo ang naging bunga ng mahabang pagtitiis at pagtitiyaga sa dati ay ma-traffic na daan.
Maraming salamat po, Mayor Edwin Olivarez!
MASAYANG PAGBUBUKAS
NG MPD PAZ PCP
MAGANDANG araw po sir Jerry, marami po natutuwa sa liderato ng PS5 dahil sa pagbubukas ng Paz PCP dahil hindi kaya ng Paco PCP ang peace & order. Malaki kasi ang kanilang AOR. Iniaasa na lang sa barangay officials ang panghuhuli at paglansag sa droga. ‘Yang Paco PCP panay bantay sa mga street at market vendors at sa malaking parating na tara mula sa 1602 ni alias Boy Rektang. Magaling lang magsalita pero iba ang katotohanan sir Jerry.
+63917929 – – – –
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap