COMELEC chair Andres Bautista panahon na para panagutin sa Comeleaks!
Jerry Yap
January 10, 2017
Opinion
KUNG iniisip ng kampo ni Commission on Elections (COMELEC) chair Andres Bautista na isang simpleng insidente ang pagkakabuyangyang ng mga batayang datos ng mga botante sa publiko o ‘Comeleaks,’ nagkakamali siya.
Inirekomenda na ng National Privacy Commission (NPC) na sampahan ng kasong kriminal si Bautista dahil sa nasabing kapabayaan.
Milyon-milyong botante ang nanakawan ng personal records dahil sa malalang paglabag na kinasasangkutan ni Bautista.
Sa inilabas na 35-pahinang desisyon ng NPC, lumabas na nilabag ng Comelec at ni Bautista ang Section 11, 20 at 21 ng Data Privacy Act of 2013.
Naganap ito noong 27 Marso 2016, nang i-hack ng isang grupo na tinawag ang kanilang sarili na “Anonymous Philippines” ang website ng COMELEC.
Pinalitan nila ang itsura ng COMELEC website para sabihin sa poll body na dapat silang magpatupad ng security features sa vote-counting machines na gagamitin para sa eleksiyon noong 9 May0 2016.
Isa pang grupo, ang LulzSec Pilipinas, ang nag-upload ng buong database ng COMELEC na mayroong 340 gigabytes data.
Matatandaan na ang inilabas na data ng LulzSec Pilipinas ay madaling na-a-access sa website na www.wehaveyourdata.com
Ang nasabing leak ay naging daan para mabuyangyang sa kahit sino ang personal na impormasyon ng mga botante.
Maraming netizens ang nagkompirma na ang nasabing data na madaling mahanap sa search engine ay “chillingly accurate.”
Labis ang naging pag-aalala ng overseas absentee voters (OAVs) dahil nga sa pagkakabuyangyang ng kanilang personal information.
Kabilang sa mga detalyeng nabuyangyang ayon sa Migrante party-list ay birth dates, detalye ng passport, dati at bagong addresses sa bansa at sa abroad, at maging impormasyon ng kanilang mga kaanak ay nabuyangyang din.
Sabi nga, daig pa nila ang nahubaran.
Anak ng tungaw naman!!!
Nang mabuyangyang ito, noon pa lang ay marami na ang nagpahayag ng pagdududa na posibleng magamit ito sa pandaraya sa eleksiyon.
Sinabi ng Kabataan party-list noon, ang pagkakabuyangyang ng data ng mga botante ay pakikinabangan ng Liberal Party. Lahat ng resources at access ay nasa administrasyon noon para i-hack ang eleksiyon.
Napakadali nang gamitin ang identity ng mga botante, fingerprints at iba pang required data, kayang-kaya ng hackers gamitin ang kanilang boto pabor sa kanilang mga kandidato.
“Anyone with the technical capability can write a program that can use the data dump to inflate votes automatically,” pahayag noon ni Kabataan Partylist Representative Terry Ridon.
Huwag na tayong lumayo ng halimbawa.
Nariyan ngayon ang kaso ng ‘panalo’ ni VP Leni Robredo na kinukuwestiyon ng katunggaling si Senador Bongbong Marcos.
Lalo pa’t nagkaroon ng mga sirkumstansiya na may pinalitan ang isang programmer ng Smartmatic habang nagbibilangan ng boto.
Sa ganang atin, wasto lang na sipain ‘este panagutin si COMELEC Chairman Bautista sa naganap na Comeleaks.
Hindi dapat balewalain dahil kinabukasan ng bansa at sagradong eleksiyon ang nakasalalay dito.
Araw-araw hindi matapos-tapos ang protesta sa tanggapan ng COMELEC sa Intramuros, hindi ba nahihiya si Bautista?!
Dapat nga noong araw pa nag-resign na siya. Pero mabuti rin sa isang banda na hindi siya nag-resign dahil kung nagkataon hahanapin pa siya para papanagutin.
Ngayon, kung malinis ang konsensiya ni Chairman Bautista, harapin niya ang asuntong ‘yan sa korte at ipagtanggol ang kanyang sarili.
Pansamantala, isa tayo sa umaasa na mayroong mapapanagot sa naganap na Comeleaks.
ILANG MEDIA PRACTITIONERS
SINABI NI CABSEC JUN EVASCO
NA KUMIKITA NANG MILYONES
SA OUST DUTERTE MOVEMENT
Marami umanong media practitioners ang narahuyo na sa tukso ng salapi para ibagsak ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo “Digog” Duterte.
Ayon ‘yan kay Cabinet Secretary Jun Evasco.
At hindi lang daw po basta salapi. Milyon-milyong piso umano ang pinag-uusapan dito.
Sa katunayan, umabot na sa international scene ang operasyon nila kaya nga mismong sina US President Barack Obama at United Nations Secretary General Ban Ki-moon at ang European ay nais imbestigahan si Pangulong Duterte sa umano’y human rights violations dahil sa drug-related killings sa bansa.
Pero sa isang banda, naging oportunidad umano ito para panindigan ni Pangulong Duterte ang kanyang independent foreign policy.
Sabi nga ni CabSec Evasco, “Hindi lisensiya ang pagiging mayaman ng Amerika o ng European Union o ng UN para diktahan tayo kung ano ang makabubuti sa atin.”
Aniya, “In pursuing an independent foreign policy, you must be a friend to everybody.”
Hindi umano komo, nilalabanan ng Pangulo ang pambu-bully ni Uncle Sam, ‘e nakikipag-alyansa na tayo sa China o sa Russia.
Oo nga naman.
Pero sabi ni CabSec Evasco, mabibigo ang mga nagpapakana na pabagsakin ang Pangulo, dahil nararamdaman ng mga mamamayan ang benepisyo ng kanyang mga ginagawa.
Tsk tsk tsk…
May isang request lang tayo kay CabSec Jun Evasco, puwede bang pangalanan nila kung sino-sino ‘yang media practitioners na ‘humahakot’ ng milyon-milyong salapi kapalit ng pagpapabagsak sa Pangulo?!
May narco-media ba riyan?
Sigurado ba sina CabSec Jun Evasco na walang nakapasok sa kanilang hanay mula sa grupong ‘yan?
Paki-check din po CabSec dahil baka nakahahalubilo na ninyo ang mga taong ‘yan.
Madali lang i-check ‘yang mga ‘yan, ipabusisi ninyo kung kanino sila nagtrabaho noong nakaraang eleksiyon o namangka sa dalawang ilog pero nakasilat pa ng puwesto sa administrasyon ninyo?!
Alam na!
DOTr SECRETARY ART
TUGADE SA KAPIHAN
SA MANILA BAY BUKAS
Bukas ay magiging panauhin si Transportation Secretary Art Tugade sa Kapihan sa Manila Bay sa Café Adriatico, Malate, Maynila.
Makisalo po tayo sa breakfast forum 10am sa Kapihan sa Manila Bay para sa mga development sa DOTr na ibabahagi sa atin ni Sec. Tugade.
Tara lets!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap