Intelligence operatives ng NBI malaking tulong sa anti-illegal drugs war
Jerry Yap
December 29, 2016
Bulabugin
ISA sa pinakamalaking huli sa ilalim ng Duterte administration ang P6-B shabu o 890 kilograms na nakuha sa tatlong malalaking bahay sa hi-end na siyudad ng San Juan — ang tunay na teritoryo ng mga Estrada-Ejercito.
Ayon nga kay National Bureau of Investigation (NBI) director, Atty. Dante Gierran, hindi na kayang tawaran ang mahusay na intelligence gatherings ng kanilang mga operatiba ngayon.
Mantakin ninyong sa husay ng intelligence gatherings ng NBI, nasudsod ‘yang tatlong magagarang bahay sa hi-end city ng San Juan na tambakan pala ng shabu?!
Natagpuan ang 890 kilong shabu nitong 23 ng Disyembre sa isang bahay sa Mangga St., sa Brgy. Little Baguio, kasunod sa 24 A. Bonifacio St., at sa kanto ng Missouri at Annapolis streets, pawang sa lungsod ng San Juan City.
Sana ay hindi matapos sa pagkakasakote sa P6-B shabu ang operation na ito ng NBI. Dapat ay busisiin pa ito kung saan nanggaling at sino ang protektor at utak nito.
Ang 10 suspek na nahuli sa nasabing mga pagsalakay ay masasabi nating mga tao o tauhan lamang ng isang malaking sindikato ng ilegal na droga na pinanggigigilang igupo ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.
Hinihinalang ito ‘yung sindikatong “Red Dragon” dahil nakabalot sa mga plastic na may tatak na red dragon.
At gaya ng sinabi ni Director Gierran, hindi maikakailang mahusay ang ginagawang intelligence gatherings ng kanyang mga operatiba na masasabing malaking tulong sa drug war ng Pangulo.
‘Yan ay sa pamumuno ni Atty. Roel Bolivar, commander ng NBI-Task Force Against Illegal Drugs.
Ang huling balita, sinampahan na ng kaso ang tatlong Chinese nationals at pitong Filipino na naaresto sa tatlong magkakasunod na drug operations sa San Juan City nitong nakaraang linggo.
Tandaan po ninyo ang mga pangalan na ito, Shi Gui Xiong, Che Wen De, at Wu Li Yong, at mga Filipino na sina Abdullah Mahmod Jahmal, Salim Cocodao Arafat, Basher Tawaki Jamal at apat pa na kinasuhan ng paglabag sa Republic Act 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002.
Congratulations NBI director, Atty. Dante Gierran at sa iyong mga tauhan!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap