SA pakikipagkuwentuhan pa lang namin kay Direktor Alvin Yapan, nakita na namin ang ganda na nais ipahatid nito sa kanyang pelikulang Oro na kasama sa walong entry na mapapanood sa Metro Manila Film Festival 2016 simula Disyembre 25.
Kampante ang director na isang propesor ng literatura sa Ateneo de Manila University na panonoorin ng publiko ang Oro kahit sinasabi ng iba na walang malaking artistang bida o kasama sa pelikula.
Aniya, “para sa akin malalaking artista sina Irma (Adlawan), Joem Bascon, Mercedes Cabral at iba pa sa indie movie at hindi naman na matatawaran ang galing din nila. Siguro hindi lang sila nagbibida sa mga sinasabing mainstream pero kinikilala rin naman ang galing nila kapag nakakasama sa mga mainstream movie.”
Ang Oro ay ukol sa istorya ng mga minerong napatay ng mga armadong kalalakihan. Ipinakita sa pelikula kung paano ipinaglaban ng kanilang kapitana na ginagampanan ni Irma ang nangyaring gulo sa kanyang nasasakupan.
Samantala, iginiit naman ni Direk Alvin na professional decision ang pagkakapalit ng kanilang bida sa Oro. Rati kasing si Nora Aunor ang magbibida rito na pinalitan nga ni Irma.
Ani Direk Alvin, hindi niya matatapos ang pelikula sa ibinigay na deadline kung hindi siya magdedesisyon kaagad.
“Sabi ko nga, sino ba naman ako para kalabanin siya (Nora)? Siya ay ang Superstar, I am a nobody.”
Umaasa si Direk Alvin na maiintindihan siya ni Nora kung bakit siya nagdesisyon ng ganoon. Basta sa ngayon, maligaya sila na natapos nila ang Oro at nakapasok sila sa MMFF.
Sa totoo lang, ayaw ni Direk Alvin na pag-usapan ang ukol sa pagkakapalit ng bida sa Oro dahil baka raw matabunan ang isyu ng istorya ng pelikula na ukol sa massacre na nangyari sa Caramoan.
Hindi rin daw niya ginawa ang desisyong iyon para sumikat o gamitin si Aunor.
Kasama rin sa Oro sina Sandino Martin, Sue Prado, Arrian labios, Cedrick Juan, Biboy Ramirez, Ronald Regala, Tracy Quila, Timothy Castillo, Acey Aguilar, at Sunshine Teodoro. Ito’y handog ng Felix Film Productions.
CONGS. MARTIN AT YEDDA,
MAY PERSONAL ADVOCACY
PARA SA MGA PWD
“Ito ang personal advocacy natin to further the interest of persons with disabilities,” ani dating kongresista Martin Romualdez nang humarap ito sa entertainment press kasama ang ilang PWDs (persons with disabilities) bilang pasasalamat sa suporta sa kanya noong tumakbo siya bilang senador.
Ani Martin kasama ang asawang si Congresswoman Yedda Marie Romualdez, laging una sa kanilang listahan ang pagtulong sa mga PWD.
“We’re happy and glad to have our law, The Expanded Magna Carta for Persons With Disabilities signed into law and just last month, through all the efforts of those our friends and I would like to make a special mention to the congresswoman of the first district of Leyte, Yedda Marie Romualdez for helping us and the implementing rules and regulations signed.
“We have other issue like the actual provisions from the Department of Health refined further. We are working hand in hand with the representative of Mercury Drug to provide better services, better privileges like discounts, the Value Added Tax exemption aligning to this law.”
Tunay na malaki ang malasakit ng mag-asawang Martin at Yedda sa PWDs kaya naman sa batas na ipinasa noon ni Cong. Martin, inuna niya ang mga ito. Ito ‘yung benepisyong VAT exemption, dagdag na 20% additional discount sa specific goods and services at maximum na 32% discount sa piling goods at services.
At lahat ng PWDs na Filipino at dual citizens na rehistrado sa bansa ay kasama sa benepisyong ito.
HELLO KITTY, TAMANG-TAMA
SA MAGKAKAIBIGAN
ISA kami sa masuwerteng nakapanood ng unang pagtatanghal ng Hello Kitty sa Pilipinas noong Martes ng gabi sa Meralco Theater.
Ang Hello Kitty Live—Fashion & Friends ay nagsimulang itanghal noong Martes, Disyembre 20 at mapapanood pa hanggang Enero 1.
Tiyak na mag-eenjoy ang mga tulad kong mahilig sa Sanrio o kay Hello Kitty dahil magpe-perform siya sa isang interactive show ukol sa istorya ng pagkakaibigan, passion, at talent na may magandang aral at tamang-tama ngayong Pasko.
Kasama ni Kitty na magpapasaya at magpaparinig ng mga magagandang awitin ang kanyang twin sister na si Mimmy, ang bestfriend niyang si Melody, ang boyfriend niyang si Daniel, ang troublemaker na si Bad Badtz-Maru, at ang easygoing na si Pom Pom Purin.
Kaya go na kayo sa Meralco Theater at isama ang inyong mga junakis dahil tiyak na mag-eenjoy din sila.
Ang tiket ay nagkakahalaga ng P5,747.50 (orchestra center); P5,225 (orchestra side); P4,702.50 (loge center); P4,180 (loge side); P3,657.50 (balcony center); at P3,135 (balcony side). Para sa iba pang impormasyon, mag log in sa www.ticketworld.com.ph o tumawag sa 8919999.
JOLINA AT MELAI, NAKATIPID
SA KORYENTE DAHIL
SA MERALCO ORANGE TAG
KAPANSIN-PANSIN ang ilang post sa social media nina Jolina Magdangal at Melai Cantiveros ukol sa pagtitipid sa koryente. Roon ay ibinahagi ng dalawang Kapamilya celebrity moms at Magandang Buhay hosts ang tulong ng tinaguriang Meralco Orange.
Ang Meralco Orange Tag ang nagbibigay kaalaman ukol sa konsumo natin sa koryente ng isang klase ng appliance. Roon natin makikita kung magkano ang konsumo kada oras o bawat gamit ng appliances na nasuri sa Meralco Powerlab, isang research at testing facility ng Meralco.
Ani Melai, nakatutulog na siya ng mahimbing dahil alam n’yang P5 lang kada oras ang paggamit ng kanyang aircon. Gumigising siya na sariwa at walang inaalala dahil alam niya kung magkano ang maaaring makonsumong koryente ng kanyang aircon.
Si Jolina naman ay sinabing na-enjoy niya ang full-blast aircon bonding nights kasama ang anak dahil nakasisiguro sila kung magkano lang ang cost per hour sa paggamit ng aircon sa pamamagitan nga ng Orange Tag.
Ako rin nga mismo naging mapanuri na rin ako sa binibiling kagamitan sa bahay. Tinitingnan ko na rin ang sinasabing Meralco Orange Tag at totoo nga na malaki ang naitutulong nito para mabawasan ang ginagamit na konsumo ng koryente.
At bilang isang writer na gumagamit ng aking laptop ng ilang oras, natutuwa rin ako na malaman na kulang-kulang sa P1 kada oras lang pala ang nagugugol kong koryente dahil dito. Mas may confidence akong gamitin ang aking laptop para mag-surf ng latest na kaganapan sa paligid.
Tulad ko at ng mga nabanggit kong celebrity moms, maari n’yo ring malaman ang electricity consumption at cost ng inyong binabalak na bilhing appliance sa pamamagitan ng Meralco Orange Tag at pagbisita sahttp://www.meralco.com.ph/orangetag.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio