BAGO po tayo tuluyang umarangkada, nais po muna nating batiin ang masigasig at magiting na dating Heneral ng PNP, dating NBI Director, dating Senador at dating Mayor ng Lungsod ng Maynila, Alfredo S. Lim, sa pagdiriwang ng kanyang kaarawan (21 Disyembre 2016). Nawa’y pagkalooban pa kayo ng mahabang-buhay at malusog na pangangatawan upang magtuloy-tuloy pa ang tunay na paglilingkod ninyo sa sambayanang Filipino.
Mabuhay po kayo Ka Fred Lim!
***
Tuloy–tuloy pa rin mga ‘igan si Ka Digong sa kanyang pag-arangkada, bagamat batikos dito, batikos doon, ang inaabot sa ilang kababayan nating hindi type ang estilo ng mama sa pagpapatupad ng ilang batas sa bansa. Ngunit, hindi matatawaran mga ‘igan ang naisin niyang tunay na pagpapabago sa kanyang administrasyon, lalong-lalo na kung ang pag-uusapan ay kapakinabangan at kaginhawaan ng sambayanang Filipino para sa susunod na taon.
Isa mga ‘igan sa ikinatuwa ng lahat, partikular ng mga magulang, ang libreng edukasyon sa kolehiyo. Sa mga nagdaang araw, kapansin-pansin ang paparaming paparaming tambay na mga kabataan sa lansangan, na dapat ay nasa loob sila ng paaralan at nag-aaral.
Ngunit, dahil hindi na rin kayang pag-aralin pa ang mga kabataan ng kani-kanilang mga magulang na salat din sa buhay, pikit-matang binibitawan ang responsibilidad na ito. Buti na lamang at binigyang-pansin ito ni Ka Digong!
Maging ang tulong-medikal, para sa mga tunay na mahihirap, ‘ika nga pati yaong walang pinagkakabuhayan at maging senior citizens, ay pinagkalooban din ni Ka Digong. Dahil dito’y itinaas ang pondo para sa serbisyong-medikal. Kung kaya’t agad na inianunsiyo ng Department of Health (DOH) ang libreng pagpapagamot o pagpapa-ospital na may kasama pang libreng gamot. O saan pa mga ‘igan? Lilipat ka pa ba sa mandarambong!
He he he…
Tungkol sa usaping katahimikan at kapayapaan sa darating na araw ng Pasko, nakiusap si Ka Digong sa mga rebelde at terorista, partikular sa Abu Sayyaf, rebeldeng Moro at kilusang komunista, tigil-putukan muna at tigil-bakbakan sa nasabing araw. Ngunit, hindi ba puwedeng tuldukan ito at hindi lamang sa araw ng Kapaskuhan?
‘Yan si Ka Digong.
15/30 SA MANILA CITY
HALL LUMALALA
Anak ng teteng mga igan, sobrang katiwalian na ang pinaggagagawa, mga opisyal pa man din ng Manila City Hall, gamit ang salitang tae este ‘tao kami ni Erap’ na hindi basta-basta makakanti! Ha? Ganoon ba? Aba’y teka, alam ba ni Erap ang katarantaduhang pinaggagagawa ng mga animal?
He he he…pwee!
Ayon sa aking Pipit na malupit mga igan, sa kanyang pag-iimbestiga, ilan umanong matataas na opisyal sa Manila City Hall ang may hawak na humigit-kumulang sa 10 job orders na sumusulpot lamang tuwing 15th at 30th ng buwan para sumuweldo nang walang kahirap-hirap. Ang matindi rito, ang awtomatikong kaltas sa suweldo ng mga JO na deretsong napupunta sa bulsa ng mga damuho!
Sus, napakalalaki ng kinukubra ng mga animal! Hindi ba kayo nakokonsiyensiya! Sabagay, wala na nga namang konsiyensiya ang mga klase ng taong gaya ninyo!
Ano’t pinapayagan ang ganitong katarantaduhan sa Manila City Hall? Ano’t maging ang mga puno/direktor ng mga opisina/departamento ay nakikipagsabuwatan umano sa katiwaliang ito? Aba’y huwag kayong magpakasilaw sa salapi! Ang salaping-deretso sa bulsa ninyo’y sisira sa inyong pagkatao at posisyon at baka sa kangkungan kayo pulutin…
Paging Mayor Erap, huwag n’yo po sanang tantanan ang pag-iimbestiga sa isyung kumakalat na sa Manila City Hall. At sa totoo lang, kung may alaga si Sir/Mam na 10 JOs, P100K kada buwan ang pasol sa bulsa ng mga animal! Kaya pala ang bisyo ng mga animal na ito’y ABS (Alak Babae Sugal).
Aba’y may hangganan ang lahat…
E-mail Add: [email protected]
Mobile Number: 09055159740
BATO-BATO BALANI
ni Johnny Balani