AYON sa impormasyon na ating nakalap, karamihan umano sa mga opisyal ng local government unit na pawang mga dilaw ang nasa listahan na hawak ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nangangahulugan na talagang under surveilance ng kampo ni Digong ang mga dilaw na kasalukuyang nanunungkulan, na matigas pa rin at ayaw yumuko sa administrasyon ni Duterte.
***
Halimbawa rito sa Metro Manila, may mga mata pala si Presidente at nakakukuha ng mga dokumento sa mga pinagbayaran ng isang lokal na pamahalaan, kabilang na rito ang overpricing ng bawat proyekto. Abangan natin kung anong parusa sa mga corrupt na opisyal ng local government!
***
Umuugong ang tsismis na maraming vice mayor ang hahalili sa kanilang alkalde lalo na kung baguhan pa lamang ang bise alkalde, ibig sabihin, wala pang record.
Ngunit kung magkasabay na corrupt ang alkalde at bise alkaldeng nanunungkulan tiyak magkasabwat sila kaya magkasama silang puwedeng mawala sa puwesto ng kanilang lugar.
Ang tanong, mangyari kaya ito? Dahil medyo nawalan na ng tiwala ang nakararaming kababayan natin sa mga desisyon ni Pangulong Digong gaya ng reinstatement sa hepe ng CIDG na responsable sa pagpatay kay Albuera Mayor Rolando Espinosa Sr.
***
Makapal ang hawak na listahan ng mga corrupt ng Pangulo. Baka sa dami ay puro appointment na lang ang mauupo. Kahit halata ng taongbayan. Kaya nga kaya ni Pangulong Duterte ang hanay ng local government? Ang mga corrupt na alkalde, gobernador, mga miyembro ng Sanggunian na magkakakontsaba sa mga overpricing sa bawat proyekto? Siyempre kasama riyan ang mga treasurer dahil siya ang nagre-release ng pondo.
***
Sana walang arboran at maging makatotohanan si Pangulong Duterte, sakaling kanyang ibulgar ang mga pangalan ng mga corrupt na opisyal ng gobyerno!
EXTRAJUDICIAL KILLINGS
PATULOY PA RIN
Mistulang papel de hapon na pandekorasyon na lamang ang pangasiwaan ng Commission on Human Rights dahil patuloy pa rin ang araw-araw na pagpatay sa mga taong sangkot sa ilegal na droga.
Maging mga dating sumurender at nagbabagong-buhay ay pinapatay na rin. Ang mga hindi pa napapatay ay boluntaryong itinago ng kanilang pamilya, pinagbakasyon sa malayong probinsiya. Sa takot na mapatay ang kanilang kapamilya na nagbabagong-buhay na. Nakatatakot na makipag-usap ngayon sa mga taong minsan ay gumamit ng ilegal na droga na nagbabagong-buhay, baka madamay ka!
ISUMBONG MO KAY DRAGON LADY – Amor Virata