Bolante panalo sa justice delayed justice denied
Jerry Yap
December 14, 2016
Bulabugin
KINAILANGAN munang matapos ang administrasyon ni PNoy bago iabsuwelto ng Sandiganbayan Second Division si dating Agriculture Undersecretary Jocelyn “Jocjoc” Bolante sa kinasangkutang kaso ng plunder dahil sa P723-milyong fertilizer fund scam.
Si Bolante ay isa sa mga itinalagang opisyal ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo noon sa kanyang administrasyon.
Pero matapos paslangin ang mamamahayag na si Marilen Garcia –Esperat noong Marso 2005, lumutang ang pangalan ni Bolante sa isinasagawang imbestigasyon sa Senado.
Dawit din sina Assistant Agriculture Secretary Ibarra Poliquit at fertilizer suppliers na sina Jaime Eonzon Paule, Marilyn Araos, Joselito Flordeliza, Marites Aytona, Jose Barredo at Leonicia Marco-Llarena.
Kasama noon sa sa co-accused si Arroyo sa kasong graft ngunit inabsuwelto ng Ombudsman dahil sa kakulangan ng ebidensiya.
Pagkatapos ng isang dekada at isang taon, inabsuwelto ng Sandiganbayan si Bolante sa kasong plunder na ang rason, kakulangan ng mga ebidensiyang isinumite ng prosecutors laban sa dating opisyal.
“There is no document and/or testimony submitted to establish that accused Bolante received this unliquidated amount so as to make him probably guilty of the crime of plunder,” bahagi ng 24-pahinang desisyon ng Sandiganbayan.
Wattafak!?
Sa pagdinig na ginawa sa Senado na umabot halos nang isang taon, lumabas na dinaya ang mga fertilizer na isinu-supply sa mga magsasaka.
Pero ayon sa Sandiganbayan, walang ebidensiyang nag-uugnay na kasabwat si Bolante sa nasabing iregularidad.
Mantakin ninyo, inabot nang lampas isang dekada bago nadesisyonan?!
Ang tagal natulog at nang magising ay absuwelto lang pala?!
Hindi ba’t masasabi na ring “justice delayed is justice denied” sa kasong iyan ni Bolante?!
Mayroon tayong alam na convicted sa plunder, pero pinatawad at pinayagan pang makatakbong muli sa eleksiyon.
Mayroong sinampahan ng kaso dahil sa ghost employees pero tumalon lang ng bangka mukhang makasisilat pa ng posisyon kahit talunan sa eleksiyon.
Sana ay bumilis-bilis na ang “the change is coming” para naman masampolan na ang mga tunay na salot sa sambayanan.
Kay Jocjoc Bolante, sana’y kapulutan ng aral ang kaso niya sa iba pang kaso ng graft and corruption, at sana’y maging mabilis ang Sandiganbayan sa paglalabas ng resolusyon sa mga ganitong klase ng kaso.
Huwag sanang dumami ang mga mandarambong na makikinabang sa justice delayed is justice denied.
‘Yun lang!!!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap