KAPURI-PURI ang pagsisikap na ibinubuhos ni Agriculture Secretary Manny Piñol para sa kapakanan ng mga magsasaka.
Sa katunayan ay nagsilbi pa siyang tagapamagitan o tulay kamakailan sa pagtitipon sa pagitan ng mga magsasaka ng sibuyas ng Nueva Ecija at ng pinakamalalaking pangalan sa supermarket at distribusyon ng pagkain.
Hindi biro ang lugar na pinagdausan ng kanilang meeting at hapunan dahil isinagawa ito sa palaruan ng mga milyonaryo na Manila Golf Club sa Forbes Park.
Alalahanin na ang lugar ay exclusive golf club na nakareserba lang sa mayayaman dahil hindi bababa sa P30 milyon ang halaga na binabayaran para maging miyembro rito.
Ang naturang pagtitipon ay isinaayos sa tulong ng Presidential Adviser on Economic Affairs na si Joey Concepcion at Go Negosyo focal person Ginggay Hontiveros. Nagreklamo kasi ang mga magsasaka ng sibuyas na hindi raw sila makapagbenta ng kanilang produkto dahil ang merkado ay binabaha ng mga inangkat na sibuyas na mababa ang presyo.
Kasama ni Piñol sa pagtitipon na ang host ay si dating Congressman Martin Romualdez, miyembro ng Go Negosyo, ang ilang opisyal ng Department of Agriculture (DA).
Ang nagsilbing kinatawan ng mga magsasaka ng sibuyas ay limang opisyal ng asosasyon ng mga magsasaka sa Bongabon, Nueva Ecija na pinangunahan ni board member Rommel Padilla.
Pero ang tunay na mahalaga sa pagtitipong ito, ang pagdalo ng mga kinatawan at opisyal ng naglalakihang mga pamilihan tulad ng SM Supermarkets, Robinsons Group, Puregold, Jollibee, Rustan’s at iba pang higanteng mga puwesto.
Sa loob ng matagal na panahon, ang mga magsasaka at pati na mga mangingisda ay halos walang direktang koneksiyon sa malalaking buyer at umasa lamang sa mga negosyante na nagsilbing middlemen para maibenta ang kanilang mga produkto.
Isa sa mga dahilan nito ay maraming mamimili tulad ng supermarkets ang kadalasang hindi nagbabayad agad sa produkto kapag nai-deliver na ito.
Dahil karamihan ng mga magsasaka at mangingisda ay nabubuhay nang isang kahig, isang tuka, hindi sila makapaghihintay ng 30 hanggang 45 araw na kadalasang inaabot para maiproseso ng mga supermarket ang babayaran.
Sa bahaging ito ay malaki ang maitutulong ng DA at ng mga ahensiya na nasa ilalim nito. Maaari silang maghandog ng financing at revolving fund para sa kanilang mga asosasyon upang makuha agad ng mga magsasaka ang bayad para sa kanilang mga produkto.
Maghintay lang ang mga magsasaka ng prutas at gulay dahil sila naman ang susunod na tutulungan ni Piñol.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE – Robert B. Roque, Jr.