Mailap ba ang katarungan kay BoC DepCom. Arturo Lachica?
Jerry Yap
November 29, 2016
Opinion
KAMAKALAWA, naihatid na sa huling hantungan ang tinambangan na si Customs DepCom. Arturo Lachica.
Kung hindi tayo nagkakamali halos dalawang linggo na ang nakalilipas nang mangyari ang nasabing insidente.
Pero sa loob ng panahon na ‘yan, wala pa ring malinaw na resulta ang imbestigasyon ng Manila Police District (MPD) Homicide Section sa kaso ng pananambang na ‘yan kay DepCom. Lachica.
Wala na bang plano o tinatamad nang mag-imbestiga ang mga pulis ngayon!?
Hindi ba’t personal pang humingi ng tulong kay Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ang pamilya ni Lachica?
Naniniwala kasi ang pamilya Lachica, na ang pananambang sa kanilang padre de familia ay may kinalaman sa kanyang katungkulan sa Bureau of Customs (BoC).
Nakalulungkot kung ang mga kagaya ng kaso ni Lachica ay matutulad lang sa iba pang kaso ng pamamaslang na hindi nalutas ng MPD — ang dating tinaguriang Manila’s Finest.
Wala na rin itong ipinag-iba sa kaso ng pamamaslang kay media man Alex Balcoba na mukhang isinalaksak na lang ‘ata sa archives?!
Mukhang hindi na nakaaahon ang MPD sa impresyon na wala silang mahusay na imbestigador ngayon at bamban na sa paglutas ng mga kaso.
Tsk tsk tsk… parang tanggap na tanggap nilang ‘those were the days’ na lang ang tikas ng MPD police. At sa ‘tara’ at ‘kotong’ na lang sila mahusay!?
MPD DD, S/Supt. Jigz Coronel, wala ka bang planong iahon ang imahe ng MPD at maibalik ang titulong The Manila’s Finest?
Aba ‘e pukpukin naman ninyo ‘yang mga imbestigador ninyo sa Homicide!
Sa madaling salita, magtrabaho kayo!
INTER-AGENCY COUNCIL
FOR TRAFFIC NG DOTr ANYARE,
SEC. ART TUGADE?!
Akala natin ‘e, ang inyong lingkod lang ang nakapapansin sa performance ng Department of Transportation (DOTr) under Secretary Art Tugade.
Mismong si Buhay party-list Rep. Lito Atienza pala ‘e nakunsumi na rin sa performance ng DOTr.
Halos tatlong buwan na raw ang nakararaan nang ireklamo niya ang traffic congestion na ang pangunahing sanhi ay mga bus na ginagawang terminal ang Buendia Ave., sa Makati City; Taft Avenue sa Pasay City at sa Maynila.
Hindi lang ‘yan, mismong sa pusod ng Maynila, sa Plaza Lawton, nariyan ang malaking illegal terminal ng bus, UV express at kolorum na van pero walang ginagawa ang PCP Lawton, Manila city hall, MMDA, LTO at mismong ang IACT.
Ang labis na ipinagtataka ni Congressman Atienza, ang mga bus na ginagawang terminal ang mga pangunahing kalsada ay nasa tungki ng ilong mismo ng mga traffic enforcer at traffic police.
Aba, ano nga naman ang ibig sabihin nito?
Mayroong nakikinabang kaya ayaw gumalaw!
Maliwanag na walang ginagawa ang Inter-Agency Council for Traffic para ‘durugin’ ang traffic decongestion sa Metro Manila.
Kaya nga binuo ‘yang inter-agency na ‘yan para lutasin ang problema sa trapiko pero wala, as in nganga lang sila!
Kaya nga hanggang ngayon, grabe pa rin ang sikip ng trapiko sa Metro-Manila.
Secretary Art Tugade,sir, ano na nga ba nangyari sa IACT ninyo?!
MERIT SECURITY & INVESTIGATION AGENCY
KINATKONG ANG SSS CONTRIBUTION
(ATTENTION: SSS CHAIRMAN AMADO VALDEZ)
Humingi ng tulong sa inyong lingkod ang isang maralitang pamilya ng isang namayapang sekyu na tila naloko ng dating pinagtatrabahuhang security and investigation agency sa Loyola Heights Quezon City.
Base sa reklamo ng pamilya, dating empleyado ng MERIT security and Investigation Agency na may opisina sa #12 Xavierville Ave. cor Pajo St., Loyola Heights QC ang kanilang kaanak mula noong 2011-2013 na sumasahod tuwing kinsenas/katapusan.
Kinakaltasan ng mga contribution para raw sa SSS at PAGIBIG tuwing sumasahod sa nasabing kompanya.
Ngunit laking gulat ng pamilya nang madeskubreng WALA anilang inihuhulog sa SSS ang security agency.
Nabisto ang pambabalasubas ng security agency nang magtungo sa SSS ang ina ng dating sekyu upang mag-claim ng BURIAL/FUNERAL benefits para pambayad sa naging utang ng pamilya makaraang sumakabilang-buhay ang dating guwardiya ng Merit.
In short, walang pakikinabangan ang naiwang pamilya ng guwardiya sa SSS dahil kahit singko ay wala silang contribution!
Sonabagan!!!
Ang masaklap pa, makailang beses tumawag ang pamilya sa opisina ng MERIT SECURITY AGENCY base na rin sa payo ng SSS pero walang matinong staff na kumakausap sa kanila.
Ilang beses rin nakatikim ng pambabastos at pagbagsak ng telepono ang nanay ng sekyu mula sa isang sekretarya na sumasagot sa telepono!
Pinalalabas ng sekretarya na batay sa kanilang record, ang tatay ng nasawing guwardiya ang may work record sa kanila. Pero maliwanag na may 2011 ID ang namatay na guwardiya.
Anak ng tungaw!!!
Nananawagan ang pamilya sa SSS, DOLE at PAGIBIG na maimbestigahan ang kamalasadohan ng Merit Security agency sa kanilang mga guwardiya.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap