SA pagpapatuloy ng imbestigasyon sa pagkamatay ni Albuera Mayor Rolando Espinosa Sr., nais ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na ituloy ang pagdinig sa Camp Crame, bukas, araw Miyerkoles.
Isa marahil sa ikinokonsidera rito ni Senator Lacson, ang kaligtasan ng nakababatang Espinosa (Rolando “Kerwin” Espinosa Jr.) na ngayon nga ay nasa bansa na at doon nakadetine sa Camp Crame.
Sa ‘bigat at laki’ nga naman ng impormasyog hawak ngayon ni Kerwin, na pinaniniwalaang makatutulong nang malaki sa maigting na kampanya kontra ilegal na droga ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte, tiyak na marami ang nagtatangkang siya naman ang maitumba gaya ng kanyang ama.
Kung hindi tayo nagkakamali, nauna nang nagkaharap sina Senator Manny Pacquiao at Kerwin with consent mula kay Sen. Ping.

At sabi nga ng boksingerong senador, maraming pangalan ang ibinunyag ni Kerwin na nakikinabang sa kanya.
Naisiwalat din kaya kay Sen. Manny ni Kerwin kung sino-sino ang mga politikong nanghingi o binigyan niya ng campaign funds nitong nakaraang eleksiyon?!
Tama ang sinabi ni Sen. Ping, importanteng resource person si Kerwin sa laban ng gobyerno sa ilegal na droga.
Si Kerwin din ang magkokompirma sa inilabas na ‘blue book’ at payola ng kanyang tatay na si Mayor Espinosa.
Ang tanong natin dito, si Kerwin na nga kaya ang kasagutan para tuluyan nang magwakas ang operasyon ng mga sindikato sa ilegal na droga sa ating bansa?!
Mga suki, abangan natin at bantayan ang mga susunod na malalaking pangyayari sa ating bansa.
ERAP SERIOUS NA BA…
SA PAGLILINIS NG MAYNILA?!

HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com