NGAYONG nakabalik na sa bansa ang sinasabing drug lord na si Kerwin Espinosa, anak ng nasawing alkalde ng Albuera, Leyte na si Rolando Espinosa Sr., nabaling ang atensiyon ng marami sa mga posible niyang ibunyag at isabit sa ilegal na droga.
Inimbitahan si Kerwin na dumalo sa pagdinig ng Senado sa pagkamatay ng kanyang ama. May affidavit din siyang ginawa na nagdedetalye kung paano siya nagsimula sa negosyong droga hanggang sa pag-alis niya sa bansa.
At ng tunay na inaabangan ng marami, ang sinabi ng abogada niyang si Leilani Villarino na kabilang umano ang mga opisyal na inihalal sa gobyerno, pulisya at lahat ng kanyang nakatransaksiyon sa droga, sa pinangalanan ni Kerwin sa kanyang affidavit.
Natural na mag-alala rin ang publiko sa maaaring sapitin ni Kerwin lalo na’t nasawi ang kanyang ama sa kamay ng mga pulis kahit nasa loob ng piitan.
Pero umaasa tayo na matutupad ang pangako ni DirectorGeneral Ronald “Bato” dela Rosa, Philippine National Police chief, na mananatiling ligtas si Kerwin sa pagkakapiit, kung nais talaga nilang mabatid kung sino-sino ang mga naging kontak at protektor ni Kerwin sa ilegal na negosyo nito.
***
Kinuwestiyon ng mga mambabatas ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 8 kung bakit kinailangan pa ng search warrant para sa tao na nakapiit; bakit hindi sila nakipag-coordinate sa jail officers; at bakit humiling agad sila ng pagresponde ng Scene of the Crime Operatives, isang oras bago mapatay si Espinosa sa barilan?
Nawawala rin ang footage ng naganap na shootout.
Ayon kay Senator Panfilo Lacson, inilagay ng CIDG sa logbook na inilabas ang hard drive ng CCTV footage para ipa-repair.
Pinabulaanan ng jail warden na ipinagawa ang hard drive. Iba raw ang sulat-kamay at pinakialaman ang logbook para masabing under repair ang hard drive. Bago raw ang naturang hard drive at nasa ilalim pa ng warranty.
Aalamin din ni Lacson kung totoo ang natanggap na impormasyon na nagbigay ng pera ang nasawing alkalde sa kandidatura ng asawa umano ni CIDG 8 chief Marvin Marcos na tumakbong vice mayor ng Pastrana, Leyte.
Dapat matukoy ang katotohanan at kung mapatunayang may pananagutan ang mga sangkot na pulis ay parusahan sila.
Kung nagkaroon ng shootout at kinailangang lumaban ang pulis upang ipagtanggol ang sarili ay mauunawaan ng lahat. Pero kapag umabuso sila sa kapangyarihan at pumapaslang ng mga tao na walang kalaban-laban ay ibang usapan na iyon.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE – Robert B. Roque, Jr.