HINDI ko na tatalakayin pa ang ginawang panakaw na paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos ng kanyang pamilya dahil marami na ang sumisipat doon. Nakatitiyak ako na sa puntong ito ay alam na ng sambayanan ang dapat gawin.
Pagtutuunan ng Usaping Bayan ang pakiusap kay Pangulong Rodrigo Duterte na huwag nang gumawa ng mga bagay na ikahahati ng bayan tulad ng kanyang pasya na hayaang malibing ang dating diktador sa Libingan ng mga Bayani.
Nasa kritikal na bahagi tayo ng tinatawag na “decolonization” kung ang pagbabatayan ay mga pahayag ni Pangulong Duterte kaugnay ng pagkakaroon natin nang malayang ugnayang panlabas at ang ating pakikipagkaibigan sa Tsina.
Dahil dito ay tiyak na galit na galit ang puwersa ng reaksiyon at mga mikorobio nila sa ating lipunan. Tiyak na naghihintay ng pagkakataon na maaaring samantalahin upang madestabila ang pamahalaan, katulad ng nangyayaring pagkakahati-hati ng bayan ngayon.
Ibig nilang makabalik sa poder upang mapigil ang ating pagkakaroon ng malayang kamulatan.
Sa hindi sinasadyang paraan o dahil sa kakitiran ng pananaw ay binigyan ni Pangulong Duterte ang puwersa ng reaksiyon ng puwang upang gatungan ang lehitimong galit ng bayan kaugnay ng ginawang panakaw na paglilibing kay Marcos. Hindi kailangan ng bayan ang ganitong abala sa ating “decolonization.”
Makabubuti sa kasalukuyang administrasyon na maghinay-hinay sa mga pasya nito, lalo na ‘yung may potensiyal na humati sa bayan katulad ng usapin ng mga Marcos at ang planong pagbuhay sa salot na Bataan Nuclear Power Plant.
Hindi tumitigil ang puwersa ng reaksiyon at mga mikorobio nito sa kongreso, at talunan o laos na cause oriented groups. Sila ay naghihintay ng pagkakataon na muling maagaw ang kapangyarihan sa pagkukunwari na ito ay katarunga’t demokrasyang bayan.
Huwag natin kalilimutan ang ating naging karanasan noong silang mga reaksiyonaryo ang may tangan ng poder.
May mga isyu laban sa administrasyong Duterte pero higit na mas kailangan ang pagkakaisa ngayon dahil ang nakasalalay dito ay kinabukasan ng salinglahing paparating.
* * *
Ang sabi ng ilan ay:
Patawarin na ang may sala, pero paanong patatawarin ang nagsasabing sila ay walang kasalanan.
Tayo raw ay mag “move-on” na, pero paanong mag mo-move-on kung walang katarungan o paghingi nang paumanhin lamang sa mga naapi at pinahirapan.
Hindi raw dapat sumali ang mga millennials sa isyung nagdaan dahil wala pa sila noon, pero paano ‘yung tinatawag na collective memory at experience na naisasalin sa lahi.
Hindi raw kasalanan ng anak ang sala ng mga magulang, iyon ay kung inosente at hindi sila nagpasasa sa sala ng magulang nila.
Ito ay ilang butil lamang ng asin ng mundo na maaari nating pagnilayan.
Salamat po.
* * *
Hindi raw malaman ng mga taga-Guam kung ibig nilang maging malaya o manatiling teritoryo ng US. Para sa karagdagang detalye ay pasyalan ninyo ang aking bagong e-news website, www.beyonddeadlines.com
Ang website na ito ay maglalaman ng mga malalalim na talakayan kaugnay sa mga pangyayari sa ating bayan at iba pang mahalagang impormasyon para sa pang-araw-araw nating buhay.
Sana ay makaugalian din ninyo na bisitahin ang website na ito. Pakikalat ang balita tungkol sa www.beyonddeadlines.com
Salamat po.
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa hot spring ay maaari kayong pumunta sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subdivision, Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City. Malapit lamang sa Metro Manila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Magpadala ng mensahe sa www.facebook.com/privatehotspringresort para sa karagdagang impormasyon o reserbasyon.
USAPING BAYAN
ni Rev. Nelson Flores, Ll.B., MSCK