Utak zombie na ba si Sen. Kiko?
Jerry Yap
November 20, 2016
Opinion
HINDI kaya biglang bumagsak ang popularismo ng Liberal Party (LP) dahil sa paghahayag ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan ng kanyang opinion na ipahuhukay daw niya ang labi ni Makoy?!
Mukhang avid viewer ng zombie movies si Sen. Kokiks.
Parang gusto pang gawing zombie si Apo Makoy.
Kung hindi tayo nagkakamali, kabilang si Sen. Kiko sa miyembro ng pamilyang nagsasabi na sila ay mga Kristiyano (born-again Christian).
Trabaho ba ng isang Kristiyano ang magpahukay ng bangkay?!
Nalimutan na yata ni Sen. Kiko ang isang kabanata sa El Filibusterismo na ipinahukay ng Kura ang bangkay ng tatay ni Crisostomo Ibarra.
Ganoong klaseng Kristiyano ba ang nais mong ipakita sa iyong mga anak, Sen. Kiko?
Kung tinatampalasan mo ang libing o labi ng isang tampalasan, sino sa inyong dalawa ngayon ang higit na tampalasan?!
Kahit na anong sama ng isang nakaburol, hindi magugustuhan ng sino mang tao na tampalasanin ng nagpapakilalang paham at marangal ang labi ng kahit na sino.
Mukhang humuhulagpos ang wisyo ninyo Sen. Kiko?
Sabagay, madalas naman talagang nangyayari sa iyo ‘yan.
Noted na noted ‘yan!
Nalilimutan yata ni Senator Kiko na ang kanyang namayapang biyenan ay isa sa mga matitikas na Marcos stalwarts.
Kung gaano katagal na naging Pangulo si Ferdinand Marcos ay ganoon din halos katagal naging mayor ng Pasay si Pablo “Ambo” Cuneta, ang dearest daddy ni Madam Shawie. O higit pa.
Hindi yata iyan napagtatanto ni Sen. Kiko?!
‘E kung hindi nagabayan at naipagpundar ni Mayor Ambo si Megastar, mayroon kayang “Sharon” ngayon na magiging misis si Sen. Kiko?!
Wala namang masama kung ipahayag ni Sen. Kiko ang kanyang opinyon, damdamin at pananaw sa Marcos burial, pero ang magsalita na kanyang ipahuhukay ang bangkay, hindi kaya siya kinilabutan at naalibadbaran man lang?!
Nalilimutan ni Sen. Kiko, na ang labi ng isang namayapa ay itinuturing na sagrado at hindi dapat tinatampalasan.
Kung ganyan ang pananaw ni Sen. Kiko, na nagpapakilalang born-again Christian, pag-iisipan ko ng pitong pitumpu’t pitong ulit kung siya nga ay nararapat sa kanilang simbahan.
Sa mga miyembro ng Liberal Party, gusto pa rin ba ninyong maging chairman o presidente si Sen. Kiko?
Aba mag-isip-isip na kayo!
APAT IOs ITINAPON NA
SA BORDER CROSSING!
TULUYAN na raw umaksiyon si Commissioner Jaime Morente kasama ang Chief ng Ports Operations Division na si Marc Red Mariñas para kastigohin ang apat na immigration officers na sina Niño Oliver Dato, Xander Mark Galera, Kyle Velasco at Alperson Peralta.
Agad silang ini-relieved sa pagiging immigration inspectors matapos umanong mahuli na nagpapalusot ng pasaherong overseas Filipino workers (OFWs) patungo sa highly restricted countries gaya ng Lebanon, Libya, Korea at marami pang iba.
Naging habit na raw ng nasabing primary inspectors na paraanin sa kanilang counters ang kanilang kliyenteng OFWs kahit wala o salat sa dokumento gaya ng Overseas Employment Contract (OEC) na magpapatunay na legal ang paglabas nila ng bansa.
Sabay-sabay silang itinapon sa mga border crossing stations papuntang Taganak, Batuganding, Tibanban at Balabac kasabay ang pagharap sa mga administrative cases sa BI Board of Discipline.
Kung mamalasin pa ay may kasama pang asunto ng human trafficking na posibleng isampa ng IACAT laban sa kanila!
Magandang sampol ito sa lahat.
Nawa’y magsilbing aral sa mga patuloy pang susuway at magtatangkang magpalusot para lang kumita sa hindi malinis na paraan!
Pinatunayan din ni Commissioner Morente at ni POD Chief Red na hindi nila palalampasin ang ganitong klaseng aktibidad na lihis sa gustong pagbabago ni Pangulong Rodrigo Duterte!
Para kina Commissioner Bong Morente at POD Chief Red Mariñas, kasangga n’yo kami pagdating sa bagay na ito!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap