Biktima ba ng ‘killing spree’ si BoC DepCom. Art Lachica?
Jerry Yap
November 19, 2016
Opinion
PINAKAHULING biktima ng pamamaslang sa Maynila ay isang deputy commissioner ng Bureau of Customs (BoC) — si DepCom. Arturo Lachica, hepe ng Internal Administration Group (IAG).
Sa gitna ng masikip na trapiko, sa kanto ng España Boulevard at Kundiman St., tinambangan ang sasakyan ni Lachica.
Dead on arrival sa United Doctor’s Medical Center (UDMC) ang biktima, habang ang kanyang bodyguard ay malubhang nasugatan.
Ang hitman, naglakad lang nang takasan ang nilikha niyang senaryo.
Waley police visibility?!
Puwede ba nating tawagin itong ‘killing spree’ on the rise in Metro Manila?!
‘Yun bang tipong, lahat ng mga taong sanay magpapatay ng mga kalaban nila o hindi komporme sa kanila ay puwede na nilang iupa sa mga hired killer at puwede na rin nilang palabasin na sangkot sa ilegal na droga?
Isang tanong ‘yan na puwedeng pag-aralan ng mga awtoridad dahil sa hinaharap ay maaaring sumakit ang ulo ni PNP chief, Director General Ronald “Bato” dela Rosa kapag sinamantala ng iba pang grupo ng “hired killer” ang walang habas na pamamaslang laban sa mga ipinakokontrata sa kanila.
Sa ganang atin, mas gusto nating ituon ang imbestigasyon sa pamamaslang kay DepCom. Lachica kung ano ang motibo sa pamamaslang.
May kaugnayan ba sa pamamaslang ang huling transaksiyon na siya ay kaugnay o sa pulong na kanyang dinaluhan?
Sa pakikipaghuntahan natin sa customs, wala tayong narinig na negatibong puna kay DepComm. Lachica.
Bagamat appointed siya sa BoC noong panahon ni Commissioner John Sevilla, marami ang nagsasabi na ang kultura at asal sa pagtatrabaho ni Lachica ay gaya sa isang career official. Isa siyang lawyer-CPA and take note, rose from the ranks.
Ibig sabihin, nagtatrabaho at nanunungkulan siya batay sa interes ng bayan at hindi sa kasiyahan ng sino mang mas mataas na opisyal. Hindi tumaas ang kanyang posisyon sa pamamagitan ng palakasan. Kundi ito ay ginampanan niya nang tama at may pagsisikhay.
Bago siya mai-appoint sa Customs, siya ay deputy executive director sa Career Executive Service Board (CESB).
Sa Customs, naitalaga rin siya sa Revenue Collector Monitoring Group (RCMG).
Kung pagbabasehan ang kanyang mga naging trabaho, hindi natin mapapasubalian, na mayroong mga tinamaan sa pagtupad niya ng tungkulin.
At kung ito ay lilimiin ng iba’t ibang law enforcement group, mabigat ang pangangailangan na lutasin nila ang kasong ito dahil kung hindi tiyak na magkakasunod-sunod ang ganitong insidente.
Ang target: lahat ng mga opisyal na nakikiisa at tumutulong sa bagong administrasyon na nagsusulong ng pagbabago.
Nakatatakot ang ganyang senaryo.
Kaya sana lang, magkaroon ng malalimang imbestigasyon sa kasong ito.
NBI, anyone?!
REST IN PEACE APO MAKOY
Kahapon, naihimlay nang tahimik sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos.
Mula sa Laoag ay isinakay sa helicopter ang kanyang labi diretso sa LNMB sa Taguig.
Bagamat inaasahan na natin na mangyayari ito, nagulat pa rin tayo at ang madlang pipol nang ilang minuto bago mag-alas-12:00 ng tanghali kahapon ay lumabas ang breaking news ng GMA7 na ililibing na si Apo.
Nagulat ang sambayanan! Agad agad ililibing na.
At siyempre gaya nang dati, may nagluksa, nagmaktol at nagdiwang.
Talagang si Apo ay kakaiba.
Siya lang ang nakapagpapadama ng dalawang extreme na damdamin sa sambayanan sa iisang panahon.
Ayon sa huling kalatas, mismong si Apo ang humiling na mailibing sa LNMB.
Nagtataka nga tayo kung bakit doon pa niya ginustong mahimlay, gayong hindi naman lahat nang naroroon ay bayani, ‘di ba?
Harinawang naibigay na ang kanyang walang hanggang kapayapaan sa pagkakalibing sa LNMB.
Sa mga nagrereklamo at nakabitin ang protesta sa Supreme Court (SC), palagay natin ay hindi naman kasamang maililibing ang inyong mga sentimyento at apela.
Sabi nga, this is a free country, and you have all the time to mourn until the justice served it (well?) to whom it may have been deserved.
‘Yun lang po.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap