SA araw-araw ay may nauulat na nahuli o kaya ay napatay dahil lumaban umano sa operasyon ng mga awtoridad laban sa ilegal na droga.
Ang pinaigting na sipag na ipinakikita ng pulisya laban sa nga adik at tulak ay bahagi ng pagtupad sa pangako ni President Duterte noong nangangampanya na wawakasan niya ang problema sa droga sa loob lamang ng anim na buwan.
Pero nang makita kung gaano kalawak ang nasasakop ng problema ay pinalawig pa niya nang anim na buwan ang naturang kampanya.
Suportado man ng karamihan ng mga mamamayan ang digmaan na inilunsad ng Pangulo laban sa droga ay nakatatanggap din ng kung ano-anong kritisismo mula sa iba nating mga kababayan, at pati na sa mga dayuhan.
Pero huwag sana kalilimutan ni Duterte na kaakibat ng pangako niya na tatapusin ang problema sa droga ang panata na wawakasan din ang lahat ng mga gawaing bawal sa batas, at kabilang dito ang “illegal gambling.”
Inamin ng Pangulo na gusto niyang mawala ang illegal gambling pero wala siyang sapat na mga tauhan para atupagin ito, dahil ang konsentrasyon nila ay nasa droga.
Batid niya na ang ilegal na sugal tulad halimbawa ng jueteng sa lalawigan ay pinatatakbo ng mayayaman at sadyang maiimpluwensiyang gambling lords.
Kadalasan ay may basbas o pinapayagan ito ng mga pulis mula sa commander ng presinto hanggang sa regional directors pataas, at pati na mga opisyal ng pamahalaang lokal.
Kung maipasasara umano ang ilegal na pasugalan ng isang gambling lord, malamang ay lumipat sa ibang pagkakakitaan at baka maging drug lord.
Pero hindi ba pupuwede rin na kapag nagipit ang isang drug lord at matigil ang negosyo ay baka lumipat siya sa illegal gambling, na mas malaya silang makapagpapatakbo ng operasyon dahil hindi gaanong napagtutuunan ng pansin ng mga awtoridad?
Alalahanin na noong Agosto pa ay nangako na si PNP chief Director General Ronald dela Rosa na ang digmaan sa ilegal na sugal ang magiging kasunod ng kampanya laban sa droga.
Dapat magkaroon din ng sapat na puwersa ang gobyerno para tumutok sa ilegal na sugal. At kailangan salain ang mga nakaupong opisyal ng pulisya at pati na ng local government upang matukoy kung sino-sino ang nakikinabang dito at panagutin. Alalahaning ang bawal ay bawal.
Kung hindi ay maaaring magbunga ang kampanya ni Duterte sa ilegal na droga pero mababalewala naman ang pangako niya na wakasan ang illegal gambling sa bansa.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE – Robert B. Roque, Jr.