TATLO katao, kabilang ang isang sanggol, ang namatay at mahigit 6,000 katao ang nawalan ng bahay sa pitong oras na sunog sa Mandaluyong City, habang isang 7-anyos batang lalaki ang binawian ng buhay nang masunog ang kanilang bahay sa Brgy. Tagumpay, Quezon City nitong Linggo ng gabi.
Ayon sa Bureau of Fire, mahigit 500 bahay ang natupok sa sunog na nagsimula dakong 7:48 pm sa Block 35, Brgy. Addition Hills sa lungsod ng Mandaluyong.
Umabot ang sunog sa general alarm dahil sa pagkalat ng apoy sa Brgy. San Jose. Idineklarang under control ang sunog dakong 12:31 am at ganap na naapula dakong 3:24 am kahapon.
Ayon sa mga residente, kinilala ang mga namatay na sina Rolly Ochondra, Wilma Laurino at isang sanggol.
Napag-alaman sa kaibigan ni Ochondra na si Jayson Delpanos, ang biktima ay nakoryente habang sinisikap na apulahin ang apoy.
Habang si Laurino, isang autistic, ay naiwan ng kanyang pamilya habang nasusunog ang kanilang bahay.
Samantala, natagpuan ng isang medic ang isang patay na sanggol.
Sa kabilang dako, sa ulat ni Quezon City Fire Marshal Sr. Supt. Manuel Manuel, ang biktimang kinilalang si John Paul Villamor, 7-anyos, ay halos hindi na makilala nang matagpuan sa natupok nilang bahay sa 2-B P.Tuazon St., Brgy. Tagumpay.
Ayon sa ulat, nagsimula ang sunog sa bahay ng isang Roldan Bolano dakong 5:30 pm at mabilis na kumalat ang apoy sa ibang bahay kabilang ang tinitirahan ng pamilya Villamor habang natutulog ang biktima.
ni ALMAR DANGUILAN