BINATI na ni Pres. Rodrigo Duterte ang bagong halal at ika-45 pangulo ng US, ang Republican na si Donald Trump, na tumalo sa kandidato ng Democratic party na si Hillary Clinton.
Ang hangad umano ni Duterte ay magtagumpay si Trump sa pagiging presidente ng Amerika. Bukod diyan ay umaasa raw si Digong na magiging maganda ang relasyon ng Filipinas at Amerika sa ilalim ng pamumuno ni Trump.
Kung si Clinton ang nagwagi, mangangahulugan ito na ipagpapatuloy niya ang foreign policy ni Barack Obama, na kinaiinisan at kung ilang ulit nang minura ni Duterte sa kanyang mga talumpati.
Huwag kalilimutan na naglingkod si Clinton bilang state secretary mula 2009 hanggang 2013. Nasa loob siya ng circle ni Obama at kumikilos nang naaayon sa foreign policy ng US, na sa tingin ni Duterte ay pakikialam sa ating bansa.
Inaasahang itutuloy ni Clinton ang mga patakaran at programa na nasimulan na ni Obama at patuloy silang tutulong at magiging kaibigan ng Filipinas.
Pero dahil si Trump ang nagwagi ay malaki ang magiging pagbabago. Ibang-iba ang magiging pagpapatakbo nito sa US. Alam ba ninyo na gusto niyang pabalikin sa Amerika ang mga negosyo nilang tumatakbo ngayon sa iba’t ibang bansa, upang ang makinabang at mabigyan daw ng trabaho ay mga Amerikano at hindi mga dayuhan?
Ang isang problemang posibleng kaharapin kapag nangyari ito ay pagsasara ng maraming negosyong call center sa ating bansa, na magreresulta sa kawalan ng trabaho ng milyong tao.
Hindi na rin natin maaasahan ang tulong ng Amerika sa isyu ng agawan ng teritoryo laban sa China sa West Philippine Sea, dahil ayaw ni Trump na madawit ang Amerika sa ganitong sigalot.
Malamang ay hindi na rin natin maaasahan ang tulong na ibinibigay ng kanilang militar sa rescue operations at pati aid mula sa kanila sakali mang tamaan tayo muli ng kalamidad.
Pero hindi rin naman marahil magiging malaking problema ito para sa ating Pangulo dahil noon pa nga niya pinalalayas ang mga militar at negosyo ng Amerika sa ating bansa.
Magtiwala lang tayo sa diskarte niya. Palagay ko ay may mga nakahandang solusyon si Duterte na puwedeng magsilbing kapalit ng lahat ng tulong na ito mula sa US.
Hindi siguro siya gagawa ng mabigat na desisyon na paalisin ang mga Amerikano kung hindi niya kayang sagutin ang mga kawalan na maidudulot ng kanilang paglisan, at pati na ang pagbibigay ng trabaho sa milyong call center workers na maaaring mawalan ng kabuhayan.
Ngayon ay posibleng matupad na ang hangarin ni Duterte na makawala sa impluwensiya ng Amerika, mga mare at pare ko, sa pagwawagi ni Trump bilang pangulo ng US.
Abangan!
BULL’s EYE – Ruther D. Batuigas