BAGUIO CITY – Nagsimula nang maramdaman ang ginaw sa Summer Capital of the Philippines nang maitala ang aabot sa 13.6 degrees Celsius na temperatura kahapon ng umaga.
Ayon sa PAGASA-Baguio, patuloy pang bababa ang temperatura sa lungsod at sa lalawigan ng Benguet sa susunod na mga araw hanggang Pebrero sa susunod na taon.
Sinabi ng weather bureau, inaasahang mas mababa pa ng dalawang sentegrado ang temperatura sa matataas na lugar sa Benguet, tulad ng munisipyo ng Atok, maging sa Mt. Pulag sa bayan ng Kabayan.
Dahil dito, inaasahan ang pagbuhos nang mas marami pang turista sa Lungsod ng Baguio at sa Benguet lalo na’t ipinagdiriwang din ang Adivay Festival.
Magugunitang ang pinakamababang temperatura sa kasaysayan ng City of Pines ay naitala noong Enero 19, 1961 na umabot sa 6.3 °C.
( Rowena A. Marquez )