LTFRB chairman Martin Delgra III mahilig na sa trip, power tripper pa?!
Jerry Yap
November 10, 2016
Bulabugin
IBANG klase raw talaga ang bagong chairman ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) na si Martin “Chuckbong” Delgra III.
Sa lahat yata ng appointee ni Pangulong Rpdrigo “Digong” Duterte, tanging si Delgra ang tila magpapasakit ng kanyang ulo!?
Ayon sa ating impormante, nitong nakarang Undas, sa panahon na abala ang lahat ng mga opisyal at empleyado na may kaugnayan sa transportasyon gayondin ang pulisya, ang ginawa ni Delgra ay lumipad umano patungong Korea.
Hindi natin alam kung opisyal o personal ‘yang trip na ‘yan.
Pero ang gusto nating maiklaro, hindi ba puwedeng maipagpaliban ang kanyang pagbisita sa Korea, gayong alam naman niyang kasagsagan ng pagbiyahe-biyahe ng mga mamamayan pauwi sa probinsiya at paluwas ng Maynila?
Hindi man lang ba niya naisip na kailangan niyang makiisa sa layunin ng pamahalaan na maging ligtas ang mga mamamayan sa kanilang biyahe at maging maayos ang trapiko, ganoon din ang mga lansangan na kanilang daraanan?!
Akala siguro ni Delgra, komo chairman siya ng LTFRB, puwede na siyang tumakas nang ganoon na lang…
Nabigyan kaya ng travel permit ng Palasyo si Delgra nang pumunta sa Korea?!
Nang dumating daw mula sa Korea, agad dumiretso sa Davao si Delgra.
Hinahabol siguro si Tatay Digong para magpakitang gilas!?
Kung ang hangad ni Pangulong Digong ay mapabilis ang mga transaksiyon sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan, si Delgra mukhang hindi natin makita ang pagnanasa na makasunod sa utos ng Pangulo.
Sa halip, gumawa pa siya ng isang rekesitos na lalong nagpahirap sa applicants sa LTFRB.
Ang sabi sa ruling, kailangan ang mga dokumento ay verified. Ang ginawa ni Delgra, nagdagdag ng requirement na “verification against forum shopping.”
O di ba?
‘E mukhang kontra ‘yan sa nais ni Pangulong Duterte na pabilisin ang lahat ng transaksiyon sa gobyerno ‘di ba?
Mahilig na sa trips, ang lakas pa mag-power trip.
‘E imbes maging madali lalo pang tumagal ang proseso.
‘Yan ba ang tinatawag na “the change is coming” sa administrasyon ni Digong?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap