BIKTIMA kaya ng extrajudicial killing ang suspek sa droga na si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr.?
Marami kasi ang nagduda sa pagkasawi ni Espinosa noong Sabado sa kanyang selda sa Leyte, kabilang na si Senator Panfilo “Ping” Lacson, kaya nais ng naturang senador na maipagpatuloy ang katatapos lang na Senate inquiry sa sunod-sunod na pagpatay kaugnay ng droga.
Hindi madaling paniwalaan na nagawa pa umanong lumaban ni Espinosa sa mga pulis na magsisilbi ng search warrant samantalang nasa loob ng selda.
Isa pang preso na pinagsilbihan ng warrant ay si Raul Yap na pinatay rin kaya walang puwedeng tumestigo. Ang mga tao na patay na ay hindi na makapagsasalita.
Para kay Lacson, ang pamamaslang kay Espinosa ay maliwanag na kaso umano ng extrajudicial killing. Hinahamon niya ang Philippine National Police na sagutin ang kanyang mga katanungan at kumbinsihin siya sa kanilang bersiyon ng naganap.
Ayon sa CIDG ay search warrant ang kanilang dala-dala at hindi arrest warrant dahil ayon sa kanilang impormante ay nagbebenta sina Espinosa at Yap ng droga sa loob ng selda.
Pero kataka-taka rin na nawawala ang CCTV footage na naglalaman ng mga kaganapan na nauwi sa pagkasawi ng alkalde. Itinanggi ni Chief Inspector Leo Laraga, CIDG Region 8 team leader, na kinuha nila ang CCTV camera.
Ayon kay Director-General Ronald “Bato” dela Rosa, PNP Chief, pagbalik niya mula sa laban ni Senator Manny Pacquiao sa abroad ay haharapin niya ang mga tsismis na drug protector si CIDG Region 8 director Superintendent Marvin Marcos at kinuha ng mga tauhan ng CIDG ang CCTV camera sa kulungan.
Ito ang pinakamalaking paghamon sa kredibilidad ng PNP lalo’t nasa kasagsagan ng kontrobersiya ang sunod-sunod na pamamaslang sa mga suspek sa droga.
Dapat magkaroon ng masinsinang imbestigasyon upang lumabas ang katotohanan. Posibleng ito ang maging daan para makumpirma ang hinala ng marami na ang ibang sinasa-bing lumaban sa pulis ay pinaslang talaga.
Maraming pinatay ang mga vigilante na itinapon na lang sa lansangan at kinakabitan ng karton na nagsasabing “pusher ako.” May mga bata at inosente tuloy na nasasawi kapag tinamaan ng kanilang ligaw na bala.
Taliwas ito sa paniniwala ng Firing Line na ang drug suspect ay dapat dumaan sa tamang proseso, mapatunayan na totoong sangkot sa droga, bago parusahan at pagdusahan ang kanyang kasalanan sa kulungan (hindi pinapatay sa selda).
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE – Robert B. Roque, Jr.