HINARANG ng isang mambabatas na Amerikano ang pagtatangka natin na bumili ng mga U.S. made na assault rifles dahil umano sa lumalalang paglabag sa karapatang pantao sa ating bansa bunga ng mga napababalitang paglaganap ng sinasabing extrajudicial killings.
Alam ng lahat na ang tunay na dahilan sa pagharang ni U.S. Senator Ben Cardin sa ating pagbili ng 26,000 assault rifles sa U.S. ay ganti niya sa anunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte nang pagkakaroon ng malayang polisiya para sa ating ugnayang panlabas o foreign affairs at ang pakikipagkasundo natin kamakailan sa mga Intsik.
Ginagamit pa ng nasabing senador ang isyu ng human rights para ikubli ang tunay niyang dahilan. Hindi tanga ang mga Filipino, Sen. Cardin. Ewan ko kung alam mo na sa iyong inaasal ay para mong pinapatakan ng kalamansi ang malalim na sugat na hatid ng hindi pantay na pakikitungo ng iyong pamahalaan sa amin.
Anyway, makabibili naman kami ng assault rifles sa ibang bansa tulad sa Tsina o Rusya. Sana rin ay maging daan ang iyong inaasal Sen. Cardin para mapag-isipan ng American Forces in the Philippines este Armed Forces of the Philippines o AFP na maging self sufficient at kung maaari ay hukbong Filipino na mismo ang gumawa ng sariling armas tulad nang ginagawa ng Iran at India sa ngayon.
* * *
May mga lumalabas na ulat na maaaring ma-coup si Pangulong Duterte ng maka-Amerikanong paksiyon ng militar at oligarka tulad ng nangyari sa mga dating Pangulong Ferdinand Marcos at Joseph Estrada dahil sa kanyang matapang na pahayag nang paghiwalay sa agenda ng U.S. pagdating sa ating foreign affairs.
Hindi dapat balewalain ang ganitong mga ulat sapagkat hitik ang kasaysayan ng mundo tungkol halimbawa nang pakikialam ng U.S. ang mga bansang hindi sang-ayon sa paghahari nila. Nariyan ang karanasan ng Iran, Chile, Cuba, South Korea, South Vietnam at ang huli ay Iraq, Afghanistan, Libya, at Syria.
Hindi rin tayo nakaligtas sa panghihimasok na ito dahil kung matatandaan ninyo, nanalo si Ramon Magsaysay, sa pakikialam ni Col. Edward Lansdale ng Central Intelligence Agency, bilang pangulo laban sa makabayang si Don Claro M. Recto.
Dapat maging alerto ang sambayanan at ang makabayang hanay sa mga kilos ng mga mapagsamantala na tutol sa ating kalayaan.
* * *
Magpinsan pala si Hillary Clinton at Donald Trump. Para sa karagdagang detalye ay pasyalan ninyo ang aking bagong e-news website, www.beyonddeadlines.com
Ang website na ito ay maglalaman ng malalalim na talakayan kaugnay sa mga pangyayari sa ating bayan at iba pang mahalagang impormasyon para sa pang-araw-araw nating buhay.
Sana ay makaugalian din ninyo na bisitahin ang website na ito. Pakikalat ang balita tungkol sa www.beyonddeadlines.com
Salamat po.
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa hot spring ay maaari kayong pumunta sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subdivision, Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City. Malapit lamang sa Metro Manila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Magpadala nang mensahe sa www.facebook.com/privatehotspringresortpara sa karagdagang impormasyon o reserbasyon.
USAPING BAYAN
ni REV. NELSON FLORES, A.B., Ll.B.