Sa Shabu nabuhay, sa selda natodas?
Jerry Yap
November 6, 2016
Bulabugin
Parang pelikula raw ang naging buhay ni Mayor Rolando Espinosa ng Albuera, Leyte.
Mula nang ibunyag ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte, ang pagkakasangkot sa shabu ng mag-amang Kerwin at Rolando, nakita ng publiko kung paano mamuhay ang kanilang pamilya.
Mantakin ninyo, mayroon sila 5,000 square meters na bahay. Ang 5,000 sqm ay kalahating ektaryang lupain, dear readers.
Ibig sabihin, sa loob ng kanilang bahay ay kinakailangan nilang gumamit ng sasakyan para makalipat kung nasaan ang kanilang kusina, sala, kuwarto at iba pang bahagi ng kanilang bahay.
Siyempre pa, may elevator din.
‘Yan ang tinatawag na ‘detalyadong’ pamumuhay.
Ganyan kasagana ang kanilang buhay, kapalit ng winasak na mga buhay, dahil sa pagkalulong sa shabu.
Kahit marami ang galit dahil sa isyu ng droga, marami pa rin ang nagulat nang pumutok ang balita na napatay sa loob ng selda si Espinosa.
Kung sabagay, mas gugustuhin ng mga ganid na drug lords ang ganyang kamatayan, kaysa naman singilin sila ng panahon at ubusin ang kanilang kinitang salapi sa droga dahil sa pambihira at matagalang sakit.
Malamang na gumiling na naman ang mga camera para sa imbestigasyon kung paano namatay si Mayor Espinosa sa loob ng selda…
Pansamantala, idinadalangin natin na sana’y patawarin siya ng Makapangyarihang Diyos at bigyan ng pagkakataon na makapagtika sa purgatoryo kasama ang mga kaluluwang naibulid nila sa masamang bisyo.
Harinawa.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap