Friday , November 15 2024

Walang tiyak sa Scarborough Shoal

WALANG katiyakan hanggang ngayon kung ano ang kahihinatnan ng mga mangingisda natin sa  Scarborough Shoal at kung hanggang kailan sila papayagan ng China na mangisda sa lugar.

Hindi maikakaila na nakahinga nang maluwag ang mga mangingisda natin dahil parang nabunutan sila ng tinik sa biglaang kaluwagan ng China. Pero sila man ay nangangamba dahil sa pananatili ng mga barko ng China sa lugar at posibilidad na sila ay ma-bully, masaktan o bombahin ng tubig muli sa ano mang oras.

Ang pagbabago sa pakikitungo ng China sa Filipinas ay bunga ng pakikipag-usap at pakikipagkasundo ni Pres. Rodrigo Duterte sa pangulo ng China na si Xi Jinping.

Sadyang mabuti ang idinulot nito dahil nakabalik sa paningisda ang ating mga kababayan sa Scarborough. Pero ang tanong ay hanggang kailan magtatagal ang kabaitan na ipinakikita ng China?

Ang Scarborough Shoal ay kabilang sa mga pag-aari ng Filipinas na inagaw ng China at ayaw na nilang bitiwan. In fact, sa kabila ng desisyon ng arbitration court sa Hague na suportado ng United Nations na nagsasabing atin ang lugar at walang legal na batayan ang claim ng China rito, ayaw kilalanin ng Beijing ang resulta.

At ngayon, nakapangingisda nga tayo sa lugar pero bantay-sarado naman ng China.

Maliwanag pa sa sikat ng araw na sila pa rin ang may kontrol sa lugar at hindi tayo.

Ang dapat ay magkaroon ng malinaw na kasunduan na iiwan na ng China ang Scarborough Shoal at hindi na nila kontrolado. Huwag na silang kumilos na parang mga aso na nagbabantay sa bawat gagawin ng mga Filipino samantalang tayo naman ang legal na  nagmamay-ari sa lugar.

Mantakin ninyong wala raw planong magpadala ng patrol ship ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Scarborough Shoal, na kilala rin sa tawag na Panatag Shoal, ayon kay AFP spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla.

Patuloy lang daw sila sa ginagawang pagmo-monitor sa mga kaganapan sa Scarborough dahil masyadong sensitibo ang isyu. Kailangan daw maging kalkulado ang mga galaw nila para hindi magkaroon ng maling interpretsayon ang China.

Para sa kaalaman ng lahat, ang Scarborough Shoal ay 124 nautical miles lamang ang layo sa Masinloc, Zambales. Maliwanag na nasasaklaw ito ng exclusive economic zone (EEZ) ng Filipinas at ng bawat bansa sa kanilang teritoryo na 200 nautical miles, na itinakda ng United Nations Convention on the Law (UNCLOS).

Alam ba ninyo na ang China ay may layong halos 500 nautical miles mula Scarborough?

Napakalaki ng agwat sa distansya pero pilit nilang inaangkin ang teritoryo dahil bahagi raw ito ng kanilang kasaysayan. Hindi ba saksakan ng kapal ng mukha ang mga buwayang damuhong ito? Paano maituturing na kaibigan ang mga hinayupak na umaagaw sa ating teritoryo?

Manmanan!

BULL’s EYE – Ruther D. Batuigas

About Ruther D. Batuigas

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *