Nangayaw na ba talaga si Eddie?
Jerry Yap
November 4, 2016
Opinion
ISA sa mga pinag-usapang balita kamakalawa ang pagbibitiw ni dating Pangulong Fidel Valdez Ramos FVR alyas Eddie, bilang China envoy ng administrasyong Duterte.
Maraming haka-haka at hinuha na nagbitiw si Eddie dahil sa posturang anti-US ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.
Alam naman nang lahat na si FVR ay isang American Boy o Amboy.
Westpointer, naging hepe ng Philippine Constabulary na ang pinagmulan ay Philippine Scout.
Ang Philippine Scouts ay military organization ng United States Army mula 1901 hanggang sa pagtatapos ng World War II.
Ito rin ang grupong ginamit ng US para ipanlaban sa rebolusyonaryong puwersa ng mga Filipino na noon ay pinamumunuan ni Heneral Antonio Luna.
Noong 1919–20, ang PS companies ay hinati sa iba’t ibang regiments bilang bahagi ng US Army at itinalagang 43d, 44th, 45th, at 57th Infantry Regiments, dagdag ang 24th at 25th Field Artillery Regiments, ang 26th Cavalry Regiment (PS), kasama rin ang 91st at 92nd Coast Artillery Regiments.
Sila rin ang mga Scouts na itinalaga para ‘payapain’ ang Moro tribes sa Mindanao, at magtatag ng ‘kapayapaan’ sa kapuluan.
Noong 1930s, ang Philippine Scouts, kasama ang 31st Infantry Regiment, ay nakihamok sa Jolo, Palawan.
Kung hindi tayo nagkakamali, ‘yang Philippine Scouts, ang tropang nagmasaker sa mga Moro sa Bud Dajo noong 1906, ang retratong ipinakita ni Pangulong Digong sa ASEAN Summit nitong Setyembre.
Nakapagtataka pa ba kung bakit nangayaw si Eddie?!
Por delicadeza siguro.
Puwede rin naman sabihin na napahiya si FVR dahil kinailangan pang si Pangulong Duterte ang makaresolba ng gusot sa Scarborough kaya ngayon ay malaya nang nakapamamalakaya ang mga mangingisdang Filipino sa pinag-aagawang fishing ground.
Ilang foreign observer na nga ang nagsasabi na si Duterte ay isang political genius na lubos na nakauunawa sa Art of War ni Sun Tzu.
At mukhang ito ang hindi nakayanan ni Eddie.
Inilampaso siya ng promding si Digong sa usapin ng diplomatikong relasyon sa mga bansang karapat-dapat maging alyado ng isang Asyanong bansa gaya ng Filipinas.
Kumbaga, parang sinabi lang ni Digong, ‘e ano naman kung mangayaw ka Eddie? May mawawala ba sa amin?!
‘Yun lang!
KUMUSTA BA
ANG MAGUINDANAO
MASSACRE CASE?
Balitang kandidato sa Court of Appeals (CA) o sa Sandiganbayan si Judge Jocelyn Solis-Reyes ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 221.
Dalawang justice kasi ang magreretiro sa mga susunod na araw.
Babakentehin ni Associate Justice Agnes Carpio ang kanyang posisyon sa CA sa 1 Disyembre bilang compulsory retirement.
Ganoon din sa Sandiganbayan na mababakante ang dalawang puwesto sa pagreretiro nina associate justices Napoleon Inoturan at Jose Hernandez sa 22 Nobyembre.
Si Judge Solis-Reyes ang hukom na humahawak sa Maguindanao massacre.
Kung maiaakyat ng puwesto si Judge Solis-Reyes, iiwanan niya ang paglilitis sa Maguindanao massacre.
Kung mangyayari ito, paano na?!
Mismong si Supreme Court chief justice Maria Lourdes Sereño ay nakiusap na huwag iwan ni Judge Solis-Reyes ang kaso.
Kung mapapalitan nga naman siya, maantala na naman nang ilang panahon ang paglilitis dahil kailangang repasohin muna ng papalit na judge ang kabuuan ng kaso.
Mantakin ninyo kung gaano kakapal ang mg dokumentong rerepasohin?!
Alam nating career move ang gagawin ni Judge Solis-Reyes kung pipiliin niya ang Sandiganbayan o Court of Appeals.
Malaking kaalwanan din ito sa seguridad ng kanilang pamilya. Kung iiwanan niya ang nasabing kaso, malaki ang pagkakataon na tantanan sila ng mga laging nagbabanta sa kanilang buhay.
Aabangan natin kung ano ang magiging desisyon ni Judge Jocelyn Solis-Reyes.
TONDO DRUG QUEEN PINALAYA
KAPALIT NG P.3M PITSA?!
MPD director S/Supt. Jigz Coronel, may info na naman na ipinaabot sa atin na may isang drug queen sa Tondo na nahuli at nakulong nang tatlong araw pero pinalaya rin umano ng ilang tauhan ng Station Anti-Illegal Drug (SAID) isang madaling araw, kamakailan, kapalit ng malaking halaga.
Desmayado nga ang mga residente sa Brgy. 124 Zone 10 ng Malaya St., Balut, Tondo, Maynila nang malaman nilang nakalaya agad ang tinaguriang reyna ng tulak sa kanilang barangay.
At sa halagang tatlong daang libong piso (P300k) pinalaya umano si alias aleng Negra.
Pagkalabas sa piitan ng Raxabago Police Station #1 ay muli na naman nagtulak ng droga sa kanilang barangay.
P/Supt. Redentor Ulsano, hepe ng Raxabago Police Station #1, paki-VERIFY nga ang report na ito!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap