IPINAGMAMALAKI ni President Duterte ang tagumpay na inani ng kanyang pagbisita at hayagang pagkampi sa China, na nagresulta sa kanyang pag-uuwi ng investment pledges na nagkakahalaga ng US$24 bilyon.
Bukod dito, magandang balita noong isang linggo na wala na umano ang Chinese coast guard na nagbabantay sa Scarborough Shoal, isang linggo makalipas ang makasaysayang pagbisita ng Pangulo sa China.
Maaalalang mula 2012 ay ipinagbawal ng China sa ating mga kababayan ang mangisda sa naturang lugar na nasasakop ng West Philippine Sea. Itinataboy at paminsan-minsan ay binobomba nila ng tubig ang pinalalayas na mga Filipino.
Nagtuloy-tuloy ito kahit nanalo ang Filipinas sa usaping pang-aagaw ng China ng te-ritoryo sa arbitration court na suportado ng United Nations.
Magandang ulat din na inalis na ng China ang restriksyon na ipinataw sa pag-i-export natin ng saging sa kanila, na ipinatupad mula nang magkaroon ng agawan sa teritoryo sa Scarborough. Inaasahang dadagsa rin sa ating bansa ang mga export, negosyo at turista mula China.
Ang lahat nang ito ay bunga ng hayagang pakikipaghiwalay ng ating Pangulo sa US fo-reign policy makalipas ang ilang dekadang pa-kikipagkaibigan.
Nagalit si Duterte sa US nang punahin ng mga Amerikano, lalo na ni US President Barack Obama, ang mga nasasawi sa pagpapatupad ng Filipinas ng programa laban sa bawal na droga.
Lumabas din ang isyu na nagtampo si Duterte noong estudyante siya dahil hindi siya nabigyan ng American visa.
Noong alkalde naman siya ay itinakas daw ng mga miyembro ng FBI ang isang Amerikanong bomber sa Davao City, na pang-iinsulto sa mga batas ng Filipinas.
Kabaligtaran sa Amerika ang ginawa ng China na sinuportahan ang programa laban sa droga ni Duterte at nag-alok pa na popondohan ang drug rehabilitation clinic para sa mga sumusukong adik sa programa.
Yumakap pa ang pangulo ng China na si Xi Jinping kay Duterte at sinabing “blood brothers” sila nang ibunyag ng ating presidente na ang kanyang lolo ay Chinese.
Kaya sa simula pa lang ay lumalabas na sa China na pala talaga malapit ang Pangulo at hindi sa Amerika.
Gayunman ay hindi maiiwasang may mga mag-alala lalo na’t lumabas sa isang survey na karamihan ng Filipino ay tiwala sa Amerika at duda pa rin sa China.
Pero ang higit na pinangangambahan ng marami ay kung paano maniningil ang China at kung ano ang magiging kapalit ng ‘kabaitan’ na ipinakita nila sa atin. Baka bigla nila tayong bulagain at wala tayong magawa.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE – Robert B. Roque, Jr.