Illegal terminal, illegal vendors at kolorums ayaw ni MMDA Chair Tim Orbos
Jerry Yap
October 27, 2016
Bulabugin
NAKASUSUYANG trapiko ng mga sasakyan ang hahanapan ng solusyon ng bagong chairperson ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na si Thomas “Tim” Orbos.
Inuumpisahan niya ito sa pamamagitan ng pag-oobserba sa iba’t ibang traffic scheme na ipinatutupad ng local government units (LGUs), una nga sa Pasig City.
Sisikapin din daw niyang tanggalin ang lahat ng obstruction sa lansangan gaya ng illegal vendors, illegal terminals, illegal markets, at colorums.
Alam nating hindi ganoon kadaling solusyonan ang nakasusuyang trapiko sa Metro Manila.
Pero kung mayroong determination and political will si Tim Orbos, gaya ng ating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte, hindi malayong mabawasan ang nakasusuyang trapiko kung hindi man malutas nang 100 percent.
Isa sa mga dapat unahin ni Chairman Tim ang sinasabi niyang paglilinis ng mga illegal vendor, illegal parking at colorum vans.
Pananagutin din umano niya ang mga barangay chairperson and officials na nagmamantina o patong sa illegal terminals, colorums, at illegal vendors.
Aba, nang sabihin ni Chairman Orbos ‘yan ‘e marami ang natuwa.
Mukhang sa tingin umano nila ay hindi bolero si Chairman Tim. Bakas din umano ang determinasyon at political will.
Magandang indikasyon ‘yan, Chairman Tim!
Baka gusto ninyong maging buena mano ang matigas pa sa natuyong ebak na barangay chairman na itinuturing na protector, tongpats at kolektong ng illegal terminal, mga kolorum na van at illegal vendors diyan sa Lawton.
Kapag ‘yan ang napatiklop ni MMDA Chair Tim Orbos, tiyak na magdiriwang ang buong Metro Manila hanggang sa mga karatig lalawigan dahil malaking kaluwagan ‘yan sa lansangan.
Alam natin na nagkukumahog na sa pag-areglo ang ilegalistang taga-Lawton sa MMDA pero naniniwala tayo sa determination at political will ni Chairman Tim.
Chairman Tim, isang pogi points nga riyan kontra Lawton illegal terminal?!
‘Yan lang Chairman Tim, establisado agad ang kredebilidad ninyo…
Go Chairman Tim Orbos, linisin ang Plaza Lawton!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap