VERY juicy ang pinag-uusapang kontrobersiya ngayon tungkol sa mga kamag-anak ni new Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) chair Martin Dino.
Hindi pa nga nag-iinit sa kanyang upuan, ‘e parang sinisilihan na ‘ata ang kanyang puwesto.
Totoo kaya ang sinasabing may tumanggap ng ‘pasalubong’ na P20 milyon mula sa isang SBMA locator ang isang kamag-anak ni SBMA Chair kasabay ng kanyang oathtaking kay Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte nitong Oktubre 11?
Wattafak?!
Totoo ba ‘yan? Totoo rin ba na ang anak ni SBMA Chair ay dalawang beses nakipagkita sa loob ng isang araw sa isang locator sa UCC sa The Fort, BGC (Bonifacio Global City) sa Taguig City at Lakeshore sa NLEX Pampanga?
Bakit?!
Humihirit din nga ba ang misis ni Mr. Chairman sa isang locator ng bahay na overlooking sa isang golf course?
Sobrang kapal naman niyan kung totoo ‘yan?!
Ano ang katotohanan sa likod nito?
Hindi naman kaya ito’y demolition job laban kay Chairman Dino?
E bukod pa raw sa pag-epal ng mga nagpapakilalang kamag-anak ni Mr. Chairman, nakalusot din umano ang isang ‘dilawan’ na naitalaga sa isang sensitibong posisyon sa SBMA at itinuturong protektor ng mga drug lord at floating shabu sa Subic Bay.
Aba, ayaw ni Presidential special assistant Bong Go nang ganyan.
Teka, totoo rin ba ang balita na ang nasabing SBMA official ang nag-finance ng media operations laban kay dating SBMA chairman Roberto Garcia?
Itanong kaya natin kay Atty. Randy Escolango kung sino ‘yang tinutukoy na ‘yan.
Kilala mo ba sila Atty. Escolango?
Mainit-init ang mga isyung ito na kailangang-kailangan linawin ni SBMA Chair Dino…
Mukhang ‘yan ang kailangan niyang paghandaan pagkagaling sa state visit sa Japan, kasama ni Pangulong Duterte.
Pansamantala, hintayin natin ang pagdating ni SBMA Chair Dino.
MAGKANO ‘este’ ANO ANG DAHILAN
AT PINALAYA SI WATANABE!?
(ATTN: SOJ VITALIANO AGUIRRE)
TILA nasayang ang effort na ginawa ng Ports Operations Division ng Bureau of Immigration (BI) matapos i-release ng fix-kalya ‘este piskalya ang Hapones na human trafficker na si Akio Watanabe.
Si Akio Watanabe na kamakailan lang ay nasakote sa Immigration-NAIA dahil sa paglabag sa anti-human trafficking law.
Nahuli siyang kasama ang isang 18-anyos Filipina na may dalang Philippine passport gamit ang pangalang Hapones.
Nai-turn-over si Watanabe sa Inter-Agency Council Against Trafficking o IACAT at na-detain sa NBI para sampahan ng kaukulang kaso.
Pero mukhang kinatigan ng pera-cutor ‘este prosecutor ang hinaing ng abogado ng nasabing Hapones kaya naman nakapagtatakang nakapagpiyansa kahit “non-bailable” ang kasong kinahaharap niya.
Sinasabing sa NAIA pa lang ay nag-offer na ng 10M si Watanabe para aregluhin ang Immigration officials na sumita sa kanya na tinanggihan ng huli kaya nai-turn-over sa IACAT.
Mukhang panahon na para bigyan ng pansin ng Department of Justice ang mga anomalyang gaya nito na involved ang ilang fixcal ‘este fiscal.
Marami na tayong naririnig na anomalya sa mga ganitong kaso ng human trafficking at magmula pa noon ay hindi na napagtutuunan ng pansin.
Gaya na lang ng pagpapatubos sa mga nakokompiskang pasaporte at lalo na ang pagpapakawala sa mga nahuhuling malalaking isda gaya nitong si Akio Watanabe!
Since galing daw sa Estados Unidos ang pondo na nakukuha ng IACAT, puwede na rin sigurong i-abolish ito at palitan ng mas epektibong mga paraan para maresolba ang kaso ng human trafficking sa bansa.
Ano po sa palagay ninyo, DOJ Secretary Vitaliano Aguirre, Sir?
SEN. JOHNNY PONCE ENRILE
& REP. ROY GOLEZ SA KAPIHAN
SA MANILA BAY NGAYON
Samahan po natin ang mga katotong sina Ms. Marichu Villanueva at Roy Sinfuego sa pakikipagtalakayan sa ating mga beteranong mambabatas na sina Sen. Johnny Ponce Enrile at Rep. Roy Golez sa isang masustansiyang talakayan hinggil sa mga isyung napapanahon sa ating bansa.