NADAKIP ang apat hinihinalang akyat-bahay, kabilang ang isang nasa drug watchlist ng Quezon City Police District (QCPD), sa follow-up operation ng pulisya, iniulat kahapon.
Sa ulat kay QCPD director, Sr. Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar mula kay Supt. Rodel Marcelo, Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) chief, kinilala ang mga nadakip na sina Elpidio de Tomas Rafael, 44; Francisco Penarubia Hilario, 23; Raul Hilotina Ugtong, 55, at Michael Javier mariano, 48-anyos.
Si Rafael ay hinihinalang drug pusher sa kanilang barangay at no. 7 sa drug watch list ng Anonas Police Station 9.
Ayon kay Marcelo, nilooban ng mga suspek nitong Oktubre 3, 2016 ang bahay ni Maria Filoteo sa No. 83 Naranghita St., Brgy. Quirino 2B, ng lungsod.
Sa follow-up operation, natunton ng CIDU sa pangunguna ni S/Insp. Alan Dela Cruz, ang apat makaraan nilang gamitin ang isa sa credit card na kanilang natangay sa pagkarga ng gasolina at pagbili ng G schock na relo sa Greenhills, San Juan.
( ALMAR DANGUILAN )