DALAWA ang patay habang 24 ang sugatan sa pagsabog at pagkasunog ng tindahan ng paputok sa MacArthur Highway, sakop ng Brgy. Biñang Ist, Bocaue, Bulacan kahapon ng tanghali.
Kinilala ang isa sa dalawang binawian ng buhay na si Larry Alano, 21-anyos, trabahador sa pagawaan ng paputok, habang inaalam pa ang pagkakilanlan ng babaeng namatay.
Mula sa 10 kataong inisyal na bilang, umakyat na sa 24 ang natukoy na nasugatan sa insidente.
May mga sasakyan ding tumalsik, nasunog at ang iba ay nabasag ang mga bintana.
Nabatid mula sa Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (BPDRRMO), nagsimula ang pagsabog sa tindahan na pag-aari ng isang Dina Gonzales sa Biñang 1st hanggang sumabog din ang mga katabing puwesto ng paputok.
Ayon kay Bulacan Gov. Willy Alvarado, may mga ipinadala na silang mga tauhan para tumutok sa naturang kaso.
Sinabi ni Bocaue Mayor Joni Villanueva, maglalaan sila ng tulong sa mga nasaktan sa insidente, partikular ang mga nananatili sa mga pagamutan.
Isinusulat ang balitang ito’y, idineklarag fire-out na ang sunog ngunit nananatili ang fire trucks upang mati-yak na agad matutugunan kung muling sisiklab ang apoy sa imbakan ng mga paputok.
nina DAISY MEDINA/MICKA BAUTISTA