NAARESTO ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang sexy actress na si Krista Miller at dalawa pang dating modelo ng FHM magazine sa isinagawang magkahiwalay na anti-illegal drugs operation sa Quezon City at Valenzuela City, ayon sa ulat kahapon.
Ayon kay QCPD director, Sr. Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, sina Miller o Krystalyn Engle sa totoong buhay, 26, ng Valenzuela City; mga modelong sina Liaa Alelin Bolla, 24, at Jeramie Padolina, 30, ng Quezon City ay nadakip sa magkahiwalay na operasyon noong Setyembre 30, 2016 ng mga operatiba ng District Special Operation Unit (DSOU) at Project 4 Police Station-8.
Sa ulat, naunang naaresto ng mga tauhan ng PS 8 sina Padolina, Bolla at tatlo pang mga suspek na sina John Enri Barros, 22; Justine del Rosario, at Renato Hernandez Jr., sa buy-bust operation sa A. Luna St., Brgy. Bagumbuhay, Project 4, dakong 12:40 am noong Setyembre 30.
Sa imbestigasyon, ikinanta ng dalawang modelo ang kaugnayan ni Miller sa ilegal na droga dahilan para isagawa ang buy-bust operation kasama ang DSOU na ikinaaresto ng aktres at kasama niyang si Aaron Medina, sa Brgy. Gen. Tiburcio Gen. T. de Leon, Valenzuela City, dakong 9:00 pm.
Si Miller ang ikalawang aktres sa show business na naaresto ng QCPD makaraan madakip ang dating sexy star na si Sabrina M sa pagtutulak ng droga.
( ALMAR DANGUILAN )
CELEBRITY CLIENTS SA DROGA IKINANTA
TINIYAK ng starlet na si Krista Miller na makikipagtulungan sa mga awtoridad, kasunod nang pagkakaaresto sa kanya sa anti-illegal drug operation ng Quezon City Police District (QCPD).
Sa press con kahapon ng QCPD, hindi nagbigay nang dagdag na detalye si Miller bukod sa pag-name drop sa ilang celebrity na kanyang kliyente.
Si Krista ay unang naging kontrobersyal makaraan ituro bilang kalaguyo ng aktor na si Cesar Montano na dahilan ng kanilang hiwalayan ng misis na si Sunshine Cruz.
Sunod dito ang pagbisita niya sa Sputnik gang leader at convicted drug lord na si Ricardo Camata sa isang ospital, ngunit iginiit na binibentahan niya lamang ng condominium unit.
HILING KAY DUTERTE: NARCO-CELEB LIST ‘WAG ISAPUBLIKOHINILING ng Katipunan ng mga Artista sa Pelikulang Pilipino kay Pangulong Rodrigo Duterte na huwag isapubliko ang pangalan ng mga artistang sangkot sa ilegal na droga.
Sinabi ng aktor at pangulo ng nasabing grupo na si Rez Cortez, dapat ibigay muna sa kanila ang listahan para agad nilang masabihan ang nasabing mga artista.