PITO katao na karamihan ay sinasabing sangkot sa ilegal na droga, ang namatay sa magkakahiwalay na insidente ng pamamaril sa Caloocan City.
Ayon sa ulat, dakong 3:00 am nakaupo sa harap ng kanilang bahay si Erwin Bernal, 45, ng 14 Pag-asa St., Brgy. 147, Bagong Barrio nang biglang pagbabarilin ng hindi nakilalang riding-in-tandem suspects.
Bandang 1:30 am, nagkukuwentohan sina Gerald Cruz, 33, at Gilbert Purgatoryo, 27, kapwa ng PNR Compound, Brgy. 73 sa eskinita sa PNR Compound nang pagbabarilin ng dalawang lalaking nakasuot ng face mask at lulan ng motorsiklo.
Ayon sa mga kaanak ng mga biktima, nakilala nila ang isa sa mga suspek na si Dennis Custodio, isang pulis, nakatira rin sa naturang lugar at kasalukuyang nasa kustodiya ng Caloocan City Police para sa imbestigasyon.
Sa Bagong Silang, dakong 11:40 pm kamakalawa, nasa loob ng kanilang bahay si Henry Aribaca, ng Phase 10B, Package 5, Blk. 63, Lot 11 nang biglang pasukin ng armadong mga lalaki at siya ay pinagbabaril.
Nauna rito, dakong 9:00 pm naglalakad sa Phase 6 si Ranalyn Dangcalan, 36, ng Package 2B, Phase 6, Brgy. 178, Camarin nang bigla siyang pagbabarilin ng riding-in-tandem suspects.
Makalipas ang isang oras, pinagbabaril din ng dalawang lalaking lulan ng motorsiklo si Valentino Naraga, ng 2687 Bernadette St., Brgy. 186.
Habang patay rin si Lucas Padlang nang pagbabarilin ng dalawang lalaki sa Camarin.
( ROMMEL SALES )