PATAY ang isang hinihinalang tulak ng droga makaraan makipagbarilan sa mga pulis sa isinagawang drug operation sa Caloocan city kahapon ng madaling araw.
Hindi na umabot nang buhay sa Caloocan City Medical Center (CCMC) ang biktimang si Armando Calungin, 43, ng Bagong Sibol St., Brgy. 31 ng nasabing lungsod
Sa imbestigasyon nina SPO2 Eduardo Tribiana at PO3 Edgar Manapat, dakong 1:30 am nang magsagawa ng drug operation ang pinagsanib na puwersa ng mga tauhan ng District Special Operation Unit (DSOU) at District Anti-Illegal Drugs (DAID) sa pangunguna ni Supt. Ali Duterte, sa naturang lugar.
Nang mapansin ng suspek na mga pulis ang kanyang katransaksiyon ay agad nagpaputok kaya napilitan ang mga awtoridad na gumanti ng putok na nagresulta sa pagkamatay ni Calungin.
( ROMMEL SALES )
SANGKOT SA DROGA UTAS SA TANDEM
BUMULAGTANG walang buhay ang isang lalaking hinihinalang sangkot sa droga makaraan pagbabarilin ng hindi nakilalang riding-in-tandem suspects kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Agad binawian ng buhay ang biktimang si Marcos Castillano, 23, ng 1543 Sampaguita St., Brgy. 185 Malaria.
Sa imbestigasyon ni PO3 Rhyan Rodriguez, dakong 10:20 gabi, nakatayo ang biktima sa harap ng Adones residence sa 1544 Sampaguita Street nang lapitan ng mga suspek at siya ay pinagbabaril.
( ROMMEL SALES )