MAHIGIT isang linggo nang nawawala ang dating live-in partner ni Quezon City Councilor Hero Baustista na si Rio April Santos.
Ang ina ni Santos na si Gng. Emiliana Santos, ay humingi ng tulong sa pulisya at kay QC Mayor Herbert Bautista para matagpuan ang anak.
Ayon sa ulat, nagtungo si Gng. Santos sa tanggapan ni Q.C. Police District Director Guillermo Lorenzo Eleazar upang magpatulong kaugnay sa nawawala niyang anak na huling nakita noong gabi ng Setyembre 12.
Kuwento ni Gng. Santos, nagpaalam sa kanya ang anak na si Rio na lalabas mula sa kanilang condominium unit sa Eastwood para bumili ng tubig at may katatagpuin na isang “major.”
Mula noon ay hindi na nakabalik si Rio at hindi na rin makontak ang cellphone.
Nawawala rin aniya ang kotse ng biktima na isang Mercedez Benz.
Ayon kay Eleazar, aalamin nila kung sino ang posibleng “major” na nabanggit ng ina ni Rio.
Gayonman, inihayag ng opisyal ng QCPD, matagal na nilang natutunugan ang pangalan ni Rio April na gumagamit ng ilegal na droga.
Matatandaan, naka-leave sa pagiging konsehal ng lungsod si Hero para magpa-rehab makaraan lumabas sa drug test na positibo sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Ayon kay Gng. Santos, matagal nang hiwalay sina Hero at Rio ngunit nananatiling maayos ang relasyon ng dalawa dahil mayroon silang isang anak.
MERCEDES BENZ NATAGPUAN
NATAGPUAN na ang Mercedes Benz ni Rio Santos, ang nawawalang live-in partner ni Quezon City Councilor Hero Bautista, kahapon sa nabanggit na lungsod.
Sa ulat ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Sr. Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, nakita ang sasakyan sa parking lot ng isang kilalang fastfood chain sa Brgy. Libis, Quezon City.
Ayon kay Eleazar, ang nasabing sasakyan na may plakang PJW- 727 ay minabuting ipaalam sa QCPD Eastwood Police Station 12 ng pamunuan ng establisimiyento dahil noon pang Setyembre 12, 2016 ito iniwan sa parking lot bukod sa napaulat kamakalawa ang hinggil sa pagkawala ni Santos gamit ang sasakyan.
Dagdag ni Eleazar, nakilala na pag-aari ni Santos ang sasakyan base sa police blotter kaugnay sa pagkawala ni Santos noong Setyembre 12, 2016.
Dumating na sa lugar ang magulang ni Santos at kinompirmang ang sasakyan ang gamit ng kanilang anak nang mawala si Rio.
( ALMAR DANGUILAN )