PATAY ang tatlo kataong hinihinalang sangkot sa droga, makaraan pagbabarilin sa magkahiwalay na insidente sa Caloocan City.
Sa ulat ng pulisya, dakong 1:45 am, natutulog sa loob ng kanilang bahay ang construction worker na si Paul Adrian Manliclic, ng Phase 9, Package 3-C, Maharlika Street, Blk. 17, Lot 11, Brgy. 176, Bagong Silang, nang pasukin ng armadong mga suspek at kinaladkad siya palabas ng bahay saka pinagbabaril.
Habang ayon sa ulat ni Caloocan Police chief, Senior Supt. Johnson Almazan, dakong 11:30 nang mahuli si Mar Cambaliza, sa buy-bust operation ng mga awtoridad sa bahay ng suspek sa Phase 10, Package 3, Brgy. 176. Ngunit lumaban ang suspek kaya napatay ng mga pulis.
Dakong 9:40 pm, nagmamaneho ng tricycle si Samuel Isip, 23, nang harangin ng riding-in-tandem suspects at siya ay pinagbabaril sa Malaria Road, Brgy. 186.
( ROMMEL SALES )
UMIWAS SA CHECKPOINT,
3 UTAS SA PULIS
AGAD binawian ng buhay ang tatlong hindi nakilalang lalaki nang makipagbarilan sa mga elemento ng Manila Police District makaraan umiwas sa checkpoint sa A. Roxas St., Malate, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay SPO4 Vallejo, dakong 1:35 am habang nanga-ngasiwa sa checkpoint ang mga tauhan ng Arellano PCP sa nabanggit na lugar nang dumaan ang tatlong suspek na kahina-hinala ang kilos.
Nang sitahin sila ng mga pulis ay nagtakbuhan ang mga suspek at nakipagpalitan ng putok na nagresulta sa kanilang pagkamatay.
( LEONARD BASILIO, may kasamang ulat ni Julyn Formaran )
2 KELOT PINATAY SA ILALIM NG TULAY
PATAY ang dalawang lalaki makaraan pagbabarilin ng hindi nakilalang mga suspek sa ilalim ng tulay sa Navotas City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga biktimang sina Jimboy Bolasa, 23, at Aljun Deparine, 21, kapwa ng Champaca St., Brgy. North Bay Boulevard South (NBBS) ng nasabing lungsod.
Sa imbestigasyon nina PO2 Paul Roma at PO2 John Paul Hallare, dakong 6:00 pm nang matagpuan ang bangkay ng dalawang biktima na tadtad ng tama ng bala sa ilalim ng C-3 Bridge sa Blk. 26, Area 1, Brgy. NBBS.
( ROMMEL SALES )
DRUG PARTNER NG ARESTADONG
CAMERAMAN UTAS SA SHOOTOUT
PATAY ang isang hinihinalang drug courier na tumakas sa checkpoint habang naaresto ang partner niyang dating TV cameraman nang makompiskahan ng shabu nitong Sabado, makaraan makipagbarilan sa mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) sa Brgy. Masambong kahapon ng madaling araw sa nasabing lungsod.
Sa ulat kay QCPD director, Senior Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, kinilala ang suspek na si alyas Dan Dan, top 3 sa drug watchlist ng Masambong Police Station, at nakatira sa Brgy. Masambong, Quezon City.
Si Dan Dan ang nakatakas na kasama ng dating TV cameraman na si Dennis Ofilada na naaresto nitong nakaraang Sabado makaraan makompiskahan ng 35 gramo ng shabu sa isang checkpoint sa Proj. 6 ng nabanggit na lungsod.
( ALMAR DANGUILAN )