NAGPROTESTA ang 200 dating manggagawa ng Pizza Hut sa main office ng kompanya sa Isetann Department Store sa Cubao, Quezon City at isinisigaw na dapat silang ibalik sa trabaho.
Dakong 11:00 am nang magmartsa ang grupo sa Araneta Center nang tangkain silang harangin ng mga guwardiya at mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) kaya nagkaroon nang balyahan at tulakan.
Ayon sa desmayadong mga manggagawa, gusto nilang magkipag-diaologo sa pamunuan ng Pizza Hut hinggil sa kalagayan ng 285 personnel na sinibak sa iba’t ibang sangay ng Pizza Hut.
Habang sinabi ni Joel Odio, tagapagsalita ng Legal Advocates for Workers Interest (LAWIN), ang Philippine Pizza Inc., (PPI) ay nagbingi-bingihan kaugnay sa desisyon at kautusan ng Supreme Court at National Labor Relation Commission (NLRC) na dapat ma-reinstate ang mga manggagawa.
Ang PPI, ayon kay Odio, ay pagmamay-ari ng Araneta family at ito ay pinamumunuan ni Jorge Araneta, tiyuhin ng talunang presidentiable ng Liberal Party na si Mar Roxas.
“Dapat kilalanin ng management at ni Jorge Araneta ang kautusan ng NLRC at Korte Suprema na muling ibalik ang mga ilegal na tinanggal na 285 manggagawa ng Pizza Hut,” dagdag ni Odio.
Ngunit pinabulaanan ng PPI ang akusasyon ng grupo na ilegal silang sinibak sa trabaho.
Sa kalatas na ipinalabas na pirmado ni Maria Rosalita Herrera, SVP Human Resource Department ng PPI, nilinaw niyang walang naganap na lay-off sa mga kawani.
“The persons in question are not PPI employees. They are employed by an independent contractor who were deployed to PPI per our service requirements,” ayon sa pahayag ng PPI.
“It was the independent contractor that decided to unilaterally terminate it’s contract with the company. Accordingly, there is no intent on the part of PPI to pre-empt the Supreme Court’s decision on pending cases, as the termination of the Service Contract was entirely beyond PPI’s control,” ayon sa PPI.
( ALMAR DANGUILAN )