MINAMANMANAN na ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang movie personalities/celebrities na sinasabing gumagamit ng ilegal na droga partikular ang ecstacy party drug.
Ito ang inihayag kahapon ni QCPD director, Sr. Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, makaraang ikanta nang naarestong ecstacy pusher na si Philip Mendoza Salonga, half brother ni Broadway singer/artist Lea Salonga, ilan sa mga parokyano niya ay movie personalities o artista.
Matatandaan, ang lalaking Salonga ay inaaresto ng mga operatiba ng QCPD District Anti-Illegal Drugs at District Special Operation Unit (DSOU) nitong nakaraang linggo makaraan makompiskahan ng 14 pirasong ecstacy nang bentahan ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa isinagawang buy-bust operation sa Pasig City.
Gayonman, tumanggi si Eleazar na banggitin ang pangalan ng mga minamanmanang movie personalities/celebrities ngunit inilinaw ng opisyal, ang pagmanman ay pangangalap lang ng impormasyon para malaman kung may katotohanan ang sinabi ni Salonga.
“Kailangan muna natin magsagawa ng surveillance at kumuha ng impormasyon… we have to verify or validate if the informations given are true,” palilinaw ni Eleazar.
Ngunit nananawagan si Eleazar sa mga artista (kung may gumagamit man sa kanila) na sumuko na at suportahan ang programa ng PNP na Oplan Tokhang, bahagi ng direktiba ni Pangulong Duterte na sugpuin ang ilegal na droga sa bansa.
“Sumuko na lang sila. Hindi naman sila kakasuhan. Hiling lang namin sa kanila (sa mga susuko) na magbigay ng impormasyon kung saan sila bumibili ng ecstasy,” panawagan ni Eleazar.
( ALMAR DANGUILAN )