MARAMING dahilan kung bakit nagtatagal at nananatiling top rated ang FPJ’s Ang Probinsyano ni Coco Martin. Unang-una, bawat episode ay may natututuhang aral ang mga bata. Pangalawa, updated ang mga ipinalalabas na mga kuwento na kasalukuyang nangyayari sa lipunan.
At para sa akin, napakahalaga ng kanilang Ligtas Tips na palaging pinaaalala ni Coco. Isang babala upang hindi tayo mabiktima ng sindikata, budol-budol at iba pang uri ng krimen at modus.
Sa lahat ng Ligtas Tips na na ibinahagi ni Coco, dapat pakatutukan ng mga magulang ang tungkol sa party drugs na sinasabi na ang lugar ng kasiyahan ay pugad din ng mga droga at mga kawatan.
Ang mga paalala ni Coco, kung hindi talaga maiiwasang gumimik, tiyaking mahigpit ang seguridad sa lugar na gigimikan, siguraduhing may kasama ang inyong anak lalo na kung babae, alamin kung saan gigimik ang mga anak, at kung sino-sino ang mga kasama at contact numbers ng mga ito. Sa lugar ng gimikan huwag na huwag kang magpapakalasing dahil ikaw ang puntirya ng mga nagbibigay ng party drugs. Mag-ingat sa iniinom at kinakain mo kung may napansing kahina-hinala huwag ituloy ang pagkain at pag-inom. Huwag na huwag ma-curious o ma-engganyo na gumamit ng party drugs. Kung may mapapansing palitan o bentahan ng party drugs, umalis agad at ipagbigay alam sa pulisya.
Puspusan ang kampanya ng bagong gobyerno para masawata at masugpo ang mga nagbebenta at nagpapakalat ng party drugs, may mga nahuli na at isa na nga rito si DJ Karen Bordador pero sa tingin ko, ice break pa lang ito. May mga party drugs pa rin na inilalako sa mga gimikan na pang mayaman dahil mayayaman lang naman ang may kayang bumili nito.
Saludo ako sa Ang Probinsyano at tiyak sa kanilang Ligtas Tips, maraming buhay ang naililigtas.
( TIMMY BASIL )