MINAMANI lang ni Pres. Rodrigo Duterte ang mga “death threat” sa kanyang buhay.
In fact, ayon sa Malacañang ay kinakain lang niya ang death threats sa agahan.
Sa madaling salita ay hindi na ito bago sa kanya. Kung ilang ulit na raw sinabi ng Pangulo na itinataya niya ang kanyang karangalan, buhay at pagkapangulo alang-alang sa kanyang laban.
Batid ni Duterte na sabay-sabay na may digmaan laban sa droga, terorismo at kriminalidad. Kabi-kabila ang laban na kinasasangkutan niya kaya alam ng Pangulo na laging may banta sa kanyang buhay. Hindi siya nababagabag o nag-aalala.
Ito ang reaksiyon ng Malacañang matapos maglabasan ang mga balita na napigilan ng pulisya ang balak ng isang grupo na paslangin si Duterte.
Para sa kaalaman ng lahat, nahuli ng mga pulis ang isang gun smuggling syndicate na pinaniniwalaang magbebenta ng mga bahagi ng baril sa isang grupo na nagbabalak pumaslang sa Pangulo.
Akalain ninyong umamin ang isang kasapi ng nahuling sindikato na ayon daw sa kanyang boss, ang numero unong kostumer nila ay balak umorder ng mga parte ng baril para gamitin sa asasinasyon kay Duterte.
Alam ni Duterte, sa laban pa lamang sa ilegal na droga ay inilalagay na niya sa panganib ang sariling kaligtasan dahil sa mabibigat na personalidad na kanyang makakalaban.
Ganoon pa man, hindi siya tumigil sa laban. At kahit nasa harap ng mga pagbabanta, tuloy-tuloy lang ang pagganap niya sa tungkulin. Hindi nga niya binabawasan ang mga pagbibiyahe na kailangan niyang gawin sa labas ng Malacañang.
Sa totoo lang, masyadong marami nang dinaanang digmaan laban sa kasamaan ang ating Pangulo mula pa noong alkalde siya ng Davao City. Hindi na siya matitinag ng mga kagagohan ng mga nagbabanta sa kanyang buhay.
At kahit may mga damuhong pumupuna sa masinsinang laban sa droga ng kanyang administrasyon, mas marami pa rin sa ating mga mamamayan ang sumusuporta kay Duterte dahil grabe na ang kagagohan at kawalanghiyaan ng mga pusher at adik sa droga.
Alam ko dahil dinaanan ko rin ang mamuhay noon na sandamakmak ang death threats na minumumog ko lang sa umaga. Mantakin ninyong may banta mula sa mga sindikato, pusakal na mga killer, mga adik at pusher, mga komunista at marami pang iba na nabangga ko sa mga isinusulat kong kolum. Ilang ulit na akong tinambangan pero ang lahat ng iyan ay aking hinarap.
Kung tutuusin, mga mare at pare ko, kabi-kabila ang grabe at karumal-dumal na krimen na hindi naman magagawa ng mga tao na may matinong pag-iisip. Ang makagagawa lang nito ay mga hinayupak na lulong na sa droga at wala sa katinuan.
At dahil, sa walang humpay na laban sa droga ni Duterte, ni PNP Chief Dir. Gen. Ronald “Bato” dela Rosa at ng kanilang mga pulis ay unti-unti nang nauubos ang mga sangkot sa droga.
Umaasa ang mga mamamayan na magkakaroon ng kapayapaan kapag naubos ang adik at tulak.
Tandaan!
BULL’S EYE – Ruther D. Batuigas