Paano nakakuha ng Filipino passports ang halos 100 Indonesians?
Jerry Yap
September 2, 2016
Opinion
PINAUWI na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mahigit 100 Indonesians na nabistong may hawak na Filipino passports.
Isang malaking kalokohan nga naman kung ikukulong pa ‘yang mga Indonesian.
Pakakainin pa, makagugulo sa loob ng Immigration Bicutan detention cell at higit sa lahat problema pa sa seguridad.
Pero ang malaking isyu at kuwestiyon dito, paano nabigyan ng DFA ng Filipino passport ‘yang mahigit 100 Indonesians na ‘yan?
Mahigit 100 lang ‘yan.
Hindi kaya may nauna pang libo-libong foreigner ang nabigyan ng Filipino passport?
Pansinin ninyo ang ilang mga pasahero sa airport na mga Chinese, Bombay at Koreano, ang hawak ay Filipino passport…
Wattafak!?
Pero kapag kinausap ay hirap na hirap magsalita ng Tagalog o Filipino.
Aminin man o hindi ng mga ahensiya ng pamahalaan na may kaugnayan sa migrasyon ng mga dayuhan sa ating bansa, matagal na nilang naririnig ‘yan at malamang mayroon pa silang naaktohan.
‘Yun lang, dahil sa sanga-sangang korupsiyon na nagdugtong-dugtong sa bulsa at sikmura ng mga magkakasangkot sa ‘raket’ ‘e kanya-kanya na silang takipan.
Ito ngayon ang malaking hamon kay DFA Secretary Perfecto Yasay.
Kailangan niyang sudsurin at tutukan ang Consular Office para malaman niya kung paano nakalusot ang ganyang raket na Filipino passport for sale!
Kaya mo rin kayang i-Duterte ‘yan, Secretary Yasay?!
Patunayan mo nga!
PILFERAGE SA NAIA
TUTULDUKAN NA NI MIAA
GM ED MONREAL
PARA kay Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Ed Monreal, ang unang antas ng paglilinis at pagpapaganda ng imahe ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminals ay ‘yung mapatunayan na walang nagaganap na pilferage o pandurukot o pagnanakaw sa mga bagahe ng pasahero.
Pinakaimportante na buo ang tiwala ng mga pasahero, lokal man o turistang dayuhan, na seguradong hindi mananakawan ang mga bagahe nila pagdating sa ating bansa.
Kaya nga, isa sa naging aksiyon ni GM Ed ay nagpalit siya ng tao sa luggage and baggage area.
Dinagdagan din niya ang guard at CCTV camera sa nasabing area para matiyak na hindi rito sa Filipinas nagaganap ang pilferage.
Si GM Monreal ay beteranong airline official, kaya siya mismo, alam niya ang galawan kung mayroong grupo ng mga kawatan sa luggage and baggage area.
Good job GM Ed Monreal!
MGA MPD BAGMAN
HUMAHATAW PA RIN?!
(ATTENTION:
NCRPO RD GEN. OSCAR
ALBAYALDE)
Inuulan pa rin tayo ng mga reklamo/sumbong mula sa ilang pulis-Maynila na malaki ang respeto at tiwala sa ating kolum kaya’t buong tapang at lakas ng loob na nagpagpapahayag sila ng saloobin at galit sa mga abusadong lespu sa MPD.
Anyway, sa dami ng sumbong na ating natanggap ay may isang lutang na lutang ngayon.
Walang iba kundi ang bidang bagman ngayon at kapitalista ng iba pang bagman sa MPD at city hall na si alias Sarhentong BOY “tong’ WONG!
Siya ang pumapapel ngayon na kolektong pangkalahatan sa Maynila.
Isa ang MPD PS3 sa mga hawak niya ang koleksiyon ng intelihensiya. Hindi lang doble tara kundi dagdag tara pa!
Si alias Montero naman ang gamit niyang pamato sa kolektong.
Sonabagan!!!
Ang lespu na si alias TATA PAKNOY na milyonaryong bagman forever ng MPD ay patuloy pa rin na sumagasa sa pangongolektong sa Kamaynilaan.
Ang kotong cop naman na si alias TATA NIL MANLAPASTANGAN ay patuloy sa kolektong sa mga patay na unit ng MPD AT CITY HALL.
PNP-NCRPO RD Gen. Oscar Albayalde, wala yatang “change is coming” sa mga pulis bagman sa MPD!?
SERBISYONG PALPAK
NG SKY-DESTINY CABLE
Sir Jerry, hingi sana ako ng tulong. Ito pong Sky Destiny last May, kalahating buwan kaming walang cable. July walong araw naman nawalan. Ngayong August 1 week na wala pa rin. Masyado naman ang panloloko sa amin ng destiny, pag naningil ang bilis nila. Dito po kami sa Severino Reyes St., corner Laguna St., Sta. Cruz, Manila. Sir Jerry sana po mawakasan na ang gawain na ito ng Sky Destiny para kaming ginagago ng Destiny dapat imbestigahan ‘yang concierge na si Mr. Louie Nava kung nagagampanan ang trabaho niya. Baka d alam ng Sky Destiny. Muli po salamat po.
+63915147 – – – –
PANINIRA KAY PRES. DUTERTE
OPINYON lng! Marunong pala masaktan ang number 1 kritikong laging naninira kay Pres. DU30. Noon pa c Leila De Lima naninira kay Du30. Hndi pa presidente c Du30 at hanggang ngaun patuloy na naninira c De Lima at namemersonal ky DU30. Ito naman c Vice Pres. Leni Robredo nagsalita na pamemersonal daw ang Cnabi ni DU30 kay De Lima. Aminin u na lang Leni na kampi ka kay De Lima kc ikaw isa rin kritiko ni DU30. Walng masama s cnabi ni DU30 dahil totoo nman un. Kahit nakakahiya p ang isyu.
+639231427 – – – –
MAGANDA ANG GINAGAWA
NI PRESIDENT DIGONG
MAGANDA ang ginagawa ni Pres. Duterte para lahat ng nanunungkulang sa bansa tumino. Alam naman natin mula nang nawala c Marcos kanya-kanya nang pagpapayaman at pagkonsinti sa mga drug lord na taga-ibang bansa. Bakit nakarating d2 ‘yung mga shabu laboratory kung sangkot ang gob. Pera-pera lng kc sana hayaan c Pres. Digong na linisin ang mga tiwaling opisyal.
+639326167 – – – –
MGA ‘TULAK’ SA GABRIELA ST. TONDO
SIR Jerry nais ko po iparating sa iyo ang hinaing namin d2 sa salot na mga pusher sa lugar namin Gabriela st. Tondo. Mga pusher na sina Glenda at Manny at Jon Mata. Sana po maaksiyonan agad, sakop po ni Brgy. Tserman Ilagan, Brgy 52 Z 4. #
+63920444 – – – –
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN – Jerry Yap