PSC Chairman William “Butch” Ramirez parang ‘insecure’ sa pagsikat ni Hidilyn Diaz?
Jerry Yap
August 28, 2016
Bulabugin
CORRECT me if I am wrong, Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William “Butch” Ramirez.
Pero, batay na rin sa binitawan ninyong salita, ‘e mukhang nai-insecure kayo kapag ang athlete ang ini-interview?
Tama ba namang sabihin na, “sana lang hindi siya mag-artista.”
Pagdating kasi ni Hidilyn Diaz, ang ating silver medallist sa Rio Olympics, nagkaroon agad ng coverage sa kanya ang iba’t ibang TV networks.
Sunod-sunod din halos ang interview sa kanya sa mga TV at radio.
Normal lang iyon dahil si Hidilyn ang nagbalik ng pangalan ng Filipinas si Olympics.
Naitanong lang ni Boy Abunda kung sino ang gusto niyang gumanap sa role niya kung maipalalabas ang buhay niya sa pelikula o telebisyon na sinagot niyang si Angel Locsin, aba, feeling yata ni Chairman Butch ‘e gusto nang mag-artista ni Hidilyn!?
Inisip nating biro ang komentaryo ni Chairman Butch pero nang idinugtong niyang sila raw ang responsable kung bakit naging national athlete si Hidilyn na tumatanggap ng suweldo mula sa gobyerno sa pamamagitan ng NSC, ‘e napagtanto natin an may laman ang kanyang komentaryo.
Sa katunayan umano, mayroong quarter si Hidilyn sa PSC Dormitory kasama ang iba pang national athletes para sa iba’t ibang uri ng sports.
Marami pang laban si Hidilyn, sa 2017, sa Southeast Asian (SEA) Games sa Malaysia; sa 2019 sa Asian Games sa Indonesia; sa 2018 SEA Games dito sa ating bansa at sa Tokyo sa 2020 Olympics.
“Gintong medalya” ang hangad ni Hidilyn sa Tokyo at pagkatapos noon magreretiro na siya. Kitang-kita ang determinasyon ni Hidilyn na bigyan ng karangalan ang bansa.
Pero ang tila ‘panunumbat’ ni Chairman Butch ay hindi nakatutulong sa morale ng ating national athletes.
Ang ‘panunumbat’ ay o pagdududa na baka mag-artista o mag-iba ng larang ang isang national athlete ay hindi nakatutulong sa kanilang motibasyon.
Gusto tuloy natin isipin, may pagkukulang ba ang PSC para isipin ng Chairman na kung may pagkakataon o greener pasture ‘e iiwan sila ng mga national athlete?
Kung walang pagkukulang ang PSC, hindi nila dapat pinagdududahan ang mga national athlete dahil hindi ito makatutulong.
By the way, naresolba na ba ng PSC ang unliquidated funds na kinukuwestiyon ng Commission on Audit (COA) noong nakaraang administrasyon?
‘Yan dapat ang harapin at atupagin ninyo Chairman Butch. ‘Yan ang dapat ninyong ipaliwanag sa publiko.
Hindi ‘yung, nag-uumpisa pa lang umarangkada ‘yung athlete ‘e pinabababa na ninyo ang morale.
By the way, ano ba ang ibig ninyong sabihin na kayo ang ‘reponsable’ sa pagiging national athlete ni Hidilyn?
Ibig sabihin ba nito na gusto ninyong makiparte sa P5 milyon plus P2 milyon na incentives na natanggap ni Hidilyn?!
Tayo naman ay nagtatanong lang po…
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN – Jerry Yap